Truck Source: LTO file photo

Batas sa kaligtasan sa kalsada hiniling na ipatupad ng maigting

315 Views

NANAWAGAN si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa Department of Transportation (DOTr) na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas sa kaligtasan sa kalsada, kaugnay ng tumataas na bilang ng namamatay sa aksidente lalo na sa hanay ng kabataan.

Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang ₱191.8-bilyong badyet ng DOTr para sa 2026, binigyang-diin ni Sotto na ang mga aksidente sa kalsada ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino edad 15 hanggang 29. Mahigit 13,000 ang naitalang namatay sa ganitong insidente noong 2023.

“Road accidents are one of the top killers of our children, whose lives we are duty-bound to protect,” ani Sotto.

Bilang may-akda ng mga batas tulad ng Seat Belts Use Act, Children’s Safety on Motorcycles Act, at Child Safety in Motor Vehicles Act, inamin ni Sotto na hindi sapat ang paggawa ng batas kung hindi ito maayos na ipatutupad.

Hinimok niya ang DOTr at Land Transportation Office (LTO) na maglatag ng malinaw at konkretong mga hakbang sa ilalim ng Philippine Road Safety Action Plan 2023–2028.

Ayon kay Senador JV Ejercito, sponsor ng DOTr budget, nakatulong nang malaki ang Speed Limiters Act sa pagbawas ng mga aksidente sa mga long-distance bus. Gayunpaman, sinabi niyang halos 50 hanggang 60 porsyento ng mga insidente ngayon ay kinasasangkutan ng mga motorsiklo.

Ipinahayag ni Ejercito ang plano niyang maghain ng panukalang batas na mag-oobliga sa mga rider na dumaan sa tamang edukasyon bago payagang makabili o magmaneho ng motorsiklo. “The DOTr and LTO will require proper rider education before issuing a license,” ani Ejercito.

Suportado ito ni Sotto at iginiit na dapat may kasunod na mas mahigpit na pagpapatupad sa lahat ng umiiral na batas trapiko.

Tatalakayin pa ito sa bicameral conference para sa 2026 national budget.