Calendar
Batasan PS 6 iniimbestigahan socmed video ng pananaksak sa Commonwealth HS
INIIMBESTIGAHAN na ng Batasan Police Station 6 ang kumakalat na video sa social media kaugnay ng umano’y pananaksak sa mga menor de edad sa labas ng Commonwealth High School noong Setyembre 28.
Sa nilabas na pahayag sa social media natukoy na umano ng Batasan Police Station 6 ang taong kumuha at nag-upload ng video. Nakipag-ugnayan na umano sila sa nag-upload at pinayuhang alisin ang post at huwag na itong ipakalat.
Sinabi ng pulisya na ang hakbang ay para maprotektahan ang privacy at kapakanan ng mga menor de edad. Ang anumang materyal na maaaring makatulong sa imbestigasyon ay pananatilihin bilang bahagi ng ebidensya at hahawakan alinsunod sa batas.
Samantala, nakipagpulong ang mga tauhan ng himpilan sa pamunuan at mga guro ng Commonwealth High School upang talakayin ang mga hakbang sa seguridad.
Pinaigting din ang police visibility, patrol at monitoring sa paligid ng paaralan.
Nanawagan ang Batasan Police sa publiko na huwag mag-share o mag-repost ng mga larawan at video na may kinalaman sa insidente, lalo na ang mga kuha na nagpapakita ng mga menor de edad.

