qc

Bayad sa bgy business clearance para sa maliit na negosyo inalis sa QC

Jun I Legaspi Sep 2, 2026
34 Views

MAS pinadali sa Quezon City ang pagsisimula ng negosyo sa pag-waive ng barangay business clearance fees para sa bagong rehistradong nano-enterprises at pag-standardize ng mga bayarin sa lahat ng 142 barangay.

Sa ilalim ng Ordinansa Blg. SP-3525, S-2026 o Unified Barangay Fees Ordinance, ang mga nano enterprises na sari-sari store, carinderia at mga benepisyaryo ng livelihood programs ng lungsod ay hindi na sisingilin ng barangay business clearance fees.

Para sa ibang negosyo, ang barangay clearance fees ay ibabatay sa aktuwal na regulatory assessments ng lungsod, kabilang ang mayor’s permit, sanitary, zoning, garbage, tourism, at environmental fees.

Ang bisa ng barangay business clearances ay isasabay na rin sa bisa ng Mayor’s Business Permit.

Samantala, sa ilalim ng Ordinansa Blg. SP-3497, S-2026 o Electronic Payment Ordinance, lahat ng 142 barangay ay inaatasang mag-convert na sa electronic payment systems na naka-integrate sa QC e-Services.

Magkakaroon ng iisang online system kung saan maaaring bayaran ng mga negosyante ang barangay business clearance fees, na magbabawas ng hindi kinakailangang biyahe, pila at pagkakaiba-iba ng proseso sa bawat barangay.

Mananatiling bukas ang pagbabayad ng cash kung hindi posible ang electronic payment, gaya ng sa panahon ng system o internet disruptions, at para sa senior citizens, persons with disabilities, mga pamilyang walang bank account at mga indibidwal na walang access sa digital payment facilities.

“Ang layunin natin ay maging tunay na katuwang ng ating business community. Sa pamamagitan ng patas at malinaw na bayarin at paglapit ng digital payment systems sa ating mga negosyante, binabawasan natin ang red tape,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.