Calendar
Nagnakaw ng aso, cellphone, bag sa bahay sa QC kilala na
Nakilala na ng Quezon City Police District (QCPD) ang umano’y nanloob sa isang bahay sa Barangay Amihan, Project 3 at tinangay ang isang alagang aso, cellphone at school bag.
Ayon sa QCPD agad kumilos ang Anonas Police Station (PS 9) dahil sa isang viral social media post noong Setyembre 1 hinggil sa insidente.
Batay sa post, dakong alas-3 ng madaling-araw nang pasukin umano ng hindi pa nakikilalang mga indibidwal ang bahay at tangayin ang isang puting Shih Tzu, Android cellphone at school bag ng anak ng nag-upload ng post.
Nabatid na naibalik kinabukasan ang school bag, habang patuloy namang hinahanap ang nawawalang aso.
Sa CCTV footage na nakunan sa Barangay Amihan, nakita umano ang isang lalaki na may bitbit na aso.
Nag-alok pa ang uploader ng P5,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pagkakakilanlan o pagkakatagpo sa nawawalang alaga.
Sa isinagawang verification at imbestigasyon ng PS 9, katuwang ang mga opisyal ng Barangay Amihan, nakilala ang umano’y suspek na si alyas “Mak,” 29, residente ng Barangay Quirino 2C, Project 2, Quezon City.
Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para sa posibleng pagkakaaresto sa suspek na nananatiling nakatakas.
Samantala, ihahain ang reklamo para sa kasong Theft sa pamamagitan ng direct filing sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Muling pinaalalahanan ng QCPD ang publiko na agad ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang insidente o kahina-hinalang aktibidad upang mabilis na maaksyunan.
