Calendar
Tanggapan ni Lacson nagsumite ng dagdag ebidensiya, testimonya ukol sa Taguig reclamation sa OMB
SINABI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Huwebes na nagsumite ang kanyang tanggapan ng karagdagang documentary at testimonial evidence sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga kuwestiyonableng reclamation at infrastructure project sa Taguig City.
Ayon kay Lacson, nagmula ang mga materyal sa mga opisyal na rekord ng Department of Public Works and Highways, Philippine Reclamation Authority, Land Registration Authority at General Appropriations Acts.
“Marami na kaming naipadala, both testimonial and documentary,” ani Lacson.
Sinabi niyang maaaring makatulong ang mga dokumento at testimonya sa Ombudsman sa pagkuha ng karagdagang rekord at pahayag mula sa mga ahensya at opisyal ng pamahalaan na saklaw ng fact-finding investigation nito.
Nauna nang sinabi ni Lacson na humingi ang Ombudsman ng mga rekord mula sa DPWH, PRA, LRA at Taguig Registry of Deeds kaugnay ng mga kuwestiyonableng proyekto.
Sinabi rin niya na umabot sa ₱3.713 bilyon ang halaga ng mga natapos, kasalukuyang ginagawa at sinuspindeng flood-control at multipurpose project ng DPWH sa mga bahagi ng Laguna lakeshore sa Taguig na kinukuwestiyon niya ang reclamation status.
Ang ₱3.713 bilyon ay halaga ng mga proyektong tinukoy ni Lacson at hindi nangangahulugang napatunayang nawala o namisuse ang buong halaga.
Inakusahan din ni Lacson ang magkahiwalay na slope-protection at flood-mitigation projects sa kahabaan ng Taguig River na umano’y may double appropriations at “ghost” projects, kabilang ang sinasabing muling paggamit ng mga larawan para sa billing.
Kinuwestiyon din niya ang mga land title na sumasaklaw sa ilang bahagi ng reclaimed areas at sinabing sinusuri ng LRA ang pinagmulan at kasaysayan ng mga ito.
Itinanggi naman ni Sen. Alan Peter Cayetano ang mga alegasyon ni Lacson at hinamon siyang ilabas ang ebidensya sa tamang forum.
“If there is evidence against DPWH, Taguig, or against me, then present it. Stop the theatrics and let the evidence do the talking set in the proper judicial venue where fairness is assured,” naunang sinabi ni Cayetano.
Tinanggihan din ni Cayetano ang pahayag ni Lacson na nasayang ang bilyun-bilyong pisong ginastos sa Lakeshore area, at sinabing patuloy itong ginagamit para sa kalusugan, edukasyon, libangan, negosyo at iba pang pampublikong aktibidad.
“Sa kamay ng Taguig bilang tagapamahala, hindi po sinayang at hindi sinasayang ang Lakeshore,” ani Cayetano.
Itinanggi naman ni Lacson na politically motivated ang kanyang mga inilalabas na impormasyon at nanindigang dapat suriin ng Ombudsman ang mga rekord na kanyang isinumite.
