Bayad sa medical sa pagkuha ng lisensya hanggang P300 lang

Jun I Legaspi May 22, 2023
156 Views

ITINAKDA ng Land Transportation Office sa P300 ang maximum na bayad sa medical examination na kailangan ng mga kumukuha ng lisensya sa pagmamaneho.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Jay Art Tugade ang bagong polisiya ay tugon sa reklamo kaugnay ng P500 hanggang P700 na bayad sa medical exam sa mga accredited LTO clinic.

Ang mga health facility at medical clinic na lalabag ay sususpendihin umano ng 90 araw at multang P10,000 para sa unang paglabag.

Sa ikalawang paglabag, ang parusa ay 180 araw na suspensyon at P15,000 multa.

Sa ikatlong paglabag ay perpetual disqualification ang parusa.

Ang memorandum circular ay magiging epektibo sa loob ng 15 araw matapos na mailathala sa periodiko.