BBM

BBM mas pinili na direktang makipag-ugnayan sa taumbayan kaysa makipagdebate

372 Views

MAS pinili umano ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makasalamuha ang taumbayan para mailahad ang kanyang plataporma at mapakinggan ang kanilang mga hinaing sa halip na pumunta sa debate.

Sinabi ni Marcos na mas maganda para sa kanyang kampanya na makisalamuha sa tao imbes na makipag-away o makipagdebate.

Para sa kanya umano ay mas importante ang makapiling ang publiko kesa magkulong sa isang kuwarto at makipagpalitan ng salita sa mga kapwa kandidato.

“Mas importante ba magpunta, makipag-usap sa mga local leader, makipag-usap sa mga sectoral leader at sasabihin ano ang mga hinaing ninyo, anong pangamba ninyo, ano iniisip niyo, if that is more important than debate, I say yes to this,” sabi ni Marcos.

Ipinunto rin ni Marcos na may kahirapan na mailatag ang isang komprehensibong plataporma sa loob lamang ng isang minuto at kalahati na siyang ginagawa sa mga debate.

Hindi rin umano nagiging maganda na nagiging personal na ang debate kaya minabuti nito na piliin na rin ang mga dadaluhang imbitasyon.

Inamin din ni Marcos na behind schedule na ang kampanya ng UniTeam kaya sila ay palaging naghahabol.

Napilitan umano ang UniTeam na ihinto ang kanilang paglilibot ng 21 araw matapos na mahawa ng COVID-19 ang marami sa kanilang staff.

“Ang problema talaga is if it’s the best use of your time, we have 90 days lang (to campaign). Ano ba ang pinaka-effective para sa kampanya. Kampanya ito hindi naman ito kwentuhan. Kampanya ito, kailangan kong makakuha ng boto, kailangan kong mag-organize ground level, lahat ‘yan kailangan naming gawin so what is the most important thing at the time,” dagdag pa ni Marcos.