BBM patuloy ang pangunguna sa mga survey sa tulong ng mga kritiko: Nilamangan si Leni sa Bicol Region

244 Views

NANANATILING solido ang suporta ng mga mamamayang Pilipino kay Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kabila ng sunod-sunod na negatibong kampanya laban sa kanya.

Base sa pinakahuling survey ng Laylo Research, tila hindi umubra ang kabi-kabilang banat ng mga kalaban sa pulitika ni Marcos.

Umabot na sa 64 porsyento ang voters’ preference ni Marcos sa survey na isinagawa nitong Enero 17-23 sa 3,000 respondents na mas mataas ng anim na porsyento kumpara sa 58 porsyento na nakuha niya noong Nobyembre 2021.

Isinagawa ang survey habang kainitan ng isyu ukol sa petisyon para kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni Marcos sa Commission on Elections (Comelec).

Nasa malayong pangalawa naman si Leni Robredo na nakakuha ng 16 porsyento.

Tabla naman sa ikatlong pwesto sina Isko Moreno at Manny Pacquiao na kapwa mayroong pitong porsyento, habang si Ping Lacson naman ay mayroong apat na porsyento.

Kapansin-pansin naman na naungusan din ni Marcos si Robredo sa kanyang balwarte sa South Luzon/Bicol Region matapos itong makakuha ng 51 porsyentong voters’ preference sa naturang lugar.

Nakakuha naman si Marcos ng 79 porsyentong voters’ preference sa North at Central Luzon.

Mas lumaki rin ang lamang ni Marcos sa National Capital Region (NCR) matapos siyang makakuha ng 65 porsyento.

Aprubado rin si Marcos sa Visayas region matapos tumaas pa ang bilang nito ng 10 porsyento. Nakakuha siya ng 55 porsyento mula sa 45 porsyento nitong nakaraang survey.

Tumaas naman ng 11 porsyento ang bilang ni Marcos sa Mindanao na nakakuha ng 69 porsyento kumpara sa 58 porsyento noong Nobyembre 2021.

Matatandaan na patuloy ang panawagan ng BBM-Sara UniTeam ng mapagkaisang pamumuno na syang dadalhin para sa muling pagbangon ng bansa mula sa pandemya.

Sa kabila naman ng patuloy na pangunguna sa lahat ng mga respetadong survey, nananatiling nakatapak sa lupa ang UniTeam at patuloy na hindi lumalahok sa negatibong kampanya.

Giit ng UniTeam, nakatuon ang atensyon nito sa mga programa para paunlarin ang mga sektor sa agrikultura, healthcare, employment, digital infrastructure at energy para makabangon ang bansa sa pandemya.

Ipagpapatuloy din nila ang matagumpay na programa ng Duterte administration na Build Build Build.