BBM-Rodriguez

BBM Spox: Bongbong Pag-asa ng PH

327 Views

Panawagang pagkakaisa ni Marcos sasalba sa PH — Rodriguez

KUMPIYANSA ang BBM-Sara UniTeam na ang panawagan para sa pambansang pagkakaisa ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang sasalba sa lumalalang kahirapan sa bansa.

“Malaki ang problema. Pero malaki ang pag-asa ng tao kay Bongbong Marcos. Kinakailangang matugunan ‘yan lalo’t pinagkatiwalaan at nakikita na ang kanyang vision. Nakikita at rumiresponde (ang taumbayan) sa kanyang call for unity,” ani Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, sa panayam ni DWIZ anchor Vic de Leon Lima.

Sinabi niya na batid ng UniTeam ang bigat na dinaranas ng bansa dahil maliban sa pandemya, patuloy na bumabagsak ang ekonomya ng Pilipinas.

“Let’s not miss the target. The common enemy is still unemployment and underemployment. We have proof to back our claim because we checked PSA statistics nung November of 2021. Ang unemployed is 6.5%, the underemployed is 16 something percent so yan ang kalaban. Hindi si Vic Lima, hindi si Bongbong Marcos ang kalaban, ang kalaban ay ang underemployed at unemployment,” ani Rodriguez.

Ayon sa kanya, sa halip magsiraan at mag-away-away, mas magandang magsama-sama ang lahat para labanan ang kahirapan. “Hindi niya (Marcos) sinasabing magsama-sama tayo, mag-unite tayo na ‘tanggalin mo umalis ka sa partido mo at sumama ka sa partido ko.’ Hindi ganun. Ang sinasabi ni Bongbong Marcos, kapag meron kang magandang idea at hinihingan kita ng tulong, ano ang maiaambag mo sa bansa. Tinawag kita at tumulong ka. Hindi iyong kada araw bubuksan mo lang ‘yung bibig mo (para) maghahanap ka lang ng mali pero wala kang binibigay na solusyon. Walang mangyayari sa atin ‘dun,” dagdag pa ni Rodriguez.

Sakaling mapagtagumpayan ang darating na halalan at bigyan ng pribilehiyong makapaglingkod bilang presidente ng bansa, tinitiyak aniya ni Marcos na wawakasan nito ang paghiwa-hiwalay at paghahati-hati dahil lamang sa pulitika at sa ibang bagay na hindi napagkakasunduan. “Kahit ‘nung panahon pa ng mga mananakop eh ‘yan naman ang istilo bukod sa archipelagic tayo ay hiwalay ‘yung ating mga bayan, mga probinsya. Talagang dini-divide tayo ng mga nanakop sa ating bansa subalit that has to stop pati ‘yung pagsusulong ng agenda that disruptive character ‘yung Filipino’s hostility toward one another, hindi maganda ‘yun,” sabi pa niya.

Taliwas aniya ito sa tunay na ugali ng Pilipino na mababait, magagalang at matulungin. “Let’s work together. Okay ‘yan, may kanya-kanyang kampanya. May kanya-kanyang pulitika pero sa bandang huli, pagkakaisa pa rin ang huhubog para umunlad ang ating bansa,” pahabol pa ni Rodriguez.