Posas

Bebot arestado sa kaso ng pagpaslang sa Caucasian

23 Views

CAMP GEN. Miguel Malvar — Inaresto ang babaeng isa sa mga suspek sa pagpatay sa isang Caucasian na lalaki sa Brgy. Santiago, Malvar, Batangas noong Hunyo 2.

Natagpuan ang bangkay ng biktima bandang alas-10:30 ng gabi, ayon sa report.

Positibong nakilala si alyas Kathleen, 41, na sangkot sa pagpatay sa biktima base sa ebidensya.

Isang Glock .40 caliber at 15 bala ang natagpuan sa bag ni Kathleen nang maaresto.

Natagpuan ang patay na banyaga na nakabalot sa itim na garbage bag.

May taas na humigit-kumulang 5’9”, kalbo, may bigote, malaki ang katawan, naka asul na polo shirt na may tatak na Fred Perry ang biktima.

Base sa CCTV backtracking, isang puting Geely Azkarra (NKE 9496) ang nahuli sa kamera na huminto sa lokasyon kung saan natagpuan ang bangkay.

Isang saksi na nakilalang si alyas Christopher ang nag-ulat na nakita niyang lumabas ang dalawang lalaki at isang babae mula sa SUV at itinapon ang itim na garbage bag habang ang drayber ay nanatili sa loob.

Sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO), napag-alamang ang sasakyan ay nakarehistro sa isang alyas Alan mula sa Taguig City na nirentahan ni alyas Kathleen.

Gamit ang GPS tracking, na-trace ng pulisya ang SUV sa Casita at Villeta Beach Front Resort sa Lian, Batangas.

Sinampahan ng kasong pagpatay, paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) si Kathleen at tatlong hindi pa natutukoy na suspek.