sara Si Lakas-CMD/HNP vice presidential candidate, Davao City Mayor Sara Duterte sa UniTeam Grand Rally Huwebes ng gabi sa Biñan Football Field sa Biñan City, Laguna. Kuha ni VER NOVENO

Benepisyo ng UHC law mararamdaman sa 2-3 taon – Mayor Sara

280 Views

KUMPIYANSA si vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte na mararamdaman na ang benepisyo ng Universal Health Care (UHC) Act sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon.

Ayon kay Duterte mayroong mga lokal na pamahalaan na nahihirapan sa pagpapatupad ng mga probisyon ng UHC (Republic Act No.11223) kaya dapat patuloy itong makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH).

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga healthcare workers sa Batangas, sinabi ni Duterte na nakikipag-ugnayan ang Davao City government sa DOH upang mapabilis ang implementasyon ng UHC sa lungsod.

“It is already a law, but…ang bagal ng implementation ng batas. Ang daming mga reforms na supposedly dapat nandoon, but hindi pa. It’s either mabagal o hindi pa nasisimulan even in our city the local government of Davao City, hirap kami how to operationalize the UHC,” dagdag pa ni Duterte.

Layunin ng UHC na maging abot-kaya ang pagpapagamot ng mga Pilipino sa tulong ng PhilHealth at mga ospital na pinatatakbo ng gobyerno.

Ang UHC law ang isa sa itinuturing na legacy legislation ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.