Health workers File photo ng health workers

Bgy healthcare workers mas pahuhusayin, susuwelduhan nang tama ni Lacson

239 Views

KAPAKANAN ng mga health worker hindi lamang ang mga nasa ospital, ngunit maging ng mga nasa barangay at malalayong kanayunan, ang target na mapaangat ng tambalang Lacson-Sotto.

Palaging idinudulog kina Partido Reporma presidential candidate Ping Lacson at sa ka-tandem niyang si vice presidentiable Tito Sotto sa kanilang town hall meetings sa mga probinsya na kanilang binibista, ang isyu hinggil sa mababang benepisyo ng mga nurse at healthcare workers, gayundin ang mga opisyal ng barangay.

Upang matugunan ito, hindi pa man sila naihahalal bilang susunod na presidente at bise presidente ay gumawa na ng hakbang ang dalawang batikang lingkod-bayan para mabigyan ng karampatang benepisyo at kompensasyon ang mga barangay healthcare worker sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas na Magna Carta of Barangay Health Workers.

“‘Yung bill i-finile naming dalawa para sa ating mga barangay health workers. At sa mga barangay officials, meron din kaming mga measures para unti-unti iangat ‘yung kanilang estado sa ating lipunan dahil (sa kanilang) sakripisyo,” sabi ni Lacson sa Cauayan City, Isabela, nitong Lunes.

Sa ilalim ng panukalang batas na inihain ng Lacson-Sotto tandem ay magkakaroon ng patas na suweldo ang lahat ng mga health worker sa mga barangay, gayundin ang libreng pagpapaospital, insurance coverage, paid leave, cash gift at disability benefit para maiangat ang kanilang buhay at kapasidad sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

“Ang ginagawa nila nag-ri-risk pa sila ng kanilang buhay pati ‘yung kanilang pamilya pero walang karampatang incentive o motivation galing sa national government,” ayon pa sa presidential candidate.

Una nang inihayag ni Lacson na mayroon na silang plano upang unti-unting maitaas ang suweldo ng mga nurse sa ating bansa, pati na rin ang mga guro sa mga pampublikong institusyon upang maipantay ito sa suweldo ng mga pulis at militar