Tsino

BI agents tinimbog Chinese national sa pekeng working visa

Jun I Legaspi Jan 26, 2025
22 Views

INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang lalaking Chinese dahil sa paggamit ng pekeng working visa.

Naharang sa immigration departure area ng NAIA terminal 1 si Li Xuanjun, 23, bago makasakay sa Philippine Airlines flight patungong Quanzhou, China matapos makita ng isang immigration officer na may “hit” ang pangalan nito sa automated derogatory check system ng bureau.

Natuklasan na wanted ang Chinese ng BI dahil sa pagkakaroon ng working visa na nakuha sa pamamagitan ng pandaraya at maling representasyon.

Nakumpirma ng mga BI supervisors na on-duty na si Li at ang taong nakalista sa derogatory hit parehong tao.

Inilipat ang pasahero sa mga tauhan ng Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng BI kaya siya nadala sa BI warden facility sa Taguig City kung saan siya mananatili habang sumasailalim sa deportation proceedings.

Batay sa mga rekord, kinansela ng BI ang working visa niya noong 2023 matapos mapag-alaman na nakuha niya ang visa sa pamamagitan ng petisyon ng isang pekeng employer-company.