Calendar

BI inaresto 42 Chinese workers sa Quezon
ARESTADO ang 42 Chinese nationals sa isang raid na isinagawa ng Bureau of Immigration (BI) sa Alabat Cove sa Brgy. Villa Norte, Quezon province noong Abril 9.
Isinagawa ang raid dakong alas-5:44 ng umaga batay sa mission order mula kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.
Ang pasilidad na sinalakay nagsilbing opisina at tirahan umano ng mga dayuhan.
Nabigo ang mga inarestong dayuhan na magpakita ng mga valid na pasaporte o dokumento sa imigrasyon.
Sa paunang interogasyon, inamin nilang nagtatrabaho sila sa isang proyekto ng konstruksyon sa lugar.
Gayunman, lumitaw na labag sa batas ang kanilang pananatili at pagtatrabaho sa bansa dahil undocumented sila at walang kaukulang permit.
“Wala silang legal na karapatang manatili o magtrabaho sa Pilipinas. Malinaw ang mensahe: sundin ang batas sa imigrasyon, kung hindi haharap sa kaukulang parusa,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Nakatakdang isailalim sa deportation proceedings ang grupo dahil sa paglabag sa mga batas ng imigrasyon ng Pilipinas.
Nagbabala rin si Viado sa mga dayuhan at lokal na kumpanyang nag-eempleyo ng mga ilegal na manggagawa.