Calendar
BI pinigil makapasok Koreano na sangkot sa fraud
PINIGIL ng Bureau of Immigration (BI) makapasok sa Pilipinas noong Pebrero 5 sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang Koreano na pinaniniwalaang kasapi ng sindikato na sangkot sa telecom fraud.
Ayon sa Seoul authorities, sangkot sa kasong pandaraya at money laundering si Hwang Hyeonjun, 26.
Kumpirmado ni BI Interpol Chief Peter De Guzman na may Red Notice mula sa National Central Bureau (NCB) Seoul laban kay Hwang.
Nakatakda siyang litisin para sa kasong pandaraya at money laundering batay sa warrant of arrest na inilabas ng Suwon District Court noong 2025.
Ang grupo ni Hwang gumagamit ng mga phone-based financial scam, nagpapanggap bilang mga empleyado ng institusyong pinansyal upang malinlang ang mga biktima na maglipat ng malaking halaga ng pera.
Isang biktima ang naloko ng KRW 10 milyon sa pamamagitan ng pekeng debt consolidation loan scheme.
Ang pera ay nakolekta ng mga kasabwat sa ilalim ng utos ni Hwang, isinailalim sa cryptocurrency conversion, at inilagay sa mga digital wallet na kontrolado ng sindikato.
Tinatayang umabot sa KRW 32.5 milyon ang nakuhang pondo ng sindikato mula sa kahalintulad na transaksyon.
Si Hwang, na dumating mula Vietnam sakay ng Philippine Airlines, ay ipinagbabawal pumasok sa bansa alinsunod sa Philippine Immigration Act dahil sa pagiging pugante at banta sa pampublikong interes.
Bunga ng exclusion, isinama na ang pangalan ni Hwang sa blacklist ng BI na nagbabawal sa kanya na muling makapasok sa bansa.

