Calendar
Random check sa mga ambulansiya isinusulong
ISINULONG ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson noong Biyernes ang mas maraming random check sa mga ambulansya na kadalasang nagpapanggap na may emergency run pero may sakay lang na ayaw maipit sa traffic.
Iginiit ni Lacson na ang mga sasakyang gumagamit ng malalakas na wang-wang kahit walang sakay na emergency patient ay hindi lamang nakakainis kundi nagdudulot ng panganib sa mga motorista at commuter.
“More random checks on siren-blaring ‘ambulances’ especially during rush hours should be conducted.
Drivers of vehicles with no emergency patients must be apprehended, their licenses revoked and charged, if warranted. Aside from (being) annoying, they can be traffic hazards,” sari ng senador sa kanyang X account (dating Twitter).
Nauna rito, pinara ng Department of Transportation Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DoTr-SAICT) ang isang ambulansyang dumaan sa EDSA Busway sa may Santolan station.
Batay sa imbestigasyon, hindi umano ginagamit bilang emergency vehicle ang naturang ambulansya kundi bilang shuttle service ng mga pasaherong magpapa-checkup lamang sa ospital.
Noong nakaraang taon, iminungkahi rin ni Lacson ang pagbaligtad ng direksiyon ng mga bus na gumagamit ng EDSA Busway upang maiwasan ang pagpasok ng mga hindi awtorisadong sasakyan, lalo na sa oras ng rush hour.
Ipinaliwanag niya na maaari itong sabayan ng tamang imprastruktura kung saan bababa ang mga commuter sa center island sa halip na sa mismong highway upang mabawasan ang panganib na mabundol, lalo pa’t nasa kanan ang mga pinto ng bus.
Binigyang-diin ni Lacson na makatutulong ito upang matigil ang posibleng pang-aabuso ng mga lumalabag, dahil walang nagnanais na masangkot sa head-on collision.

