Chinese

BI tinimbog Chinese na lampas na sa allowed period sa PH

Jun I Legaspi Mar 17, 2025
13 Views

INARESTO ng mga intelligence operatives ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying na Chinese national sa Brgy. Batiarao, Anda, Pangasinan noong Marso 4.

Isinagawa ng mga operatiba ng BI ang operasyon dakong alas-7:40 ng umaga, ayon sa report.

Sa naturang operasyon, naaresto si Jiang Fangyuan, 47l, na walang dalang pasaporte o anumang balidong dokumento sa imigrasyon.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 37 (a) (7) ng Philippine Immigration Act dahil sa labis na pananatili sa bansa nang walang kaukulang permiso.

“Ang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa imigrasyon bahagi ng aming mandato.

Ang matagumpay na operasyong ito patunay sa dedikasyon ng aming mga operatiba sa pagbabantay sa ating mga hangganan at pagpigil sa mga dayuhang iligal na nananatili sa bansa,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Si Jiang nasa pasilidad ngayon ng BI sa Camp Bagong Diwa habang dumadaan sa proseso ng deportasyon.

Ang operasyon bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon at pagpapanatili ng pambansang seguridad.

Muling binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpapalakas ng border control measures at pagpapatigil sa pananatili ng mga dayuhang walang legal na dokumento sa bansa.