Calendar
Binata hinataw sa ulo ng kasamahan sa pagtatalo, dedo
ILANG ulit na hinataw ng tubo sa ulo ng 30-anyos na binata ang kasamahan sa trabaho matapos ang mainitan nilang pagtatalo kaugnay sa matagal ng alitan, Sabado ng gabi sa Amadeo, Cavite.
Naisugod pa sa Amadeo Regional Hospital Unit ang biktimang si alyas “Sid” na 46-anyos at residente ng Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite, subalit nasawi rin sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo.
Nadakip naman sa follow-up operation ng mga operatiba ng Amadeo Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Ronald” na tubong Brgy. Tul, Albay, Bicol.
Batay sa ulat ng Cavite Provincial Police Office, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa loob ng barracks na pinagtatrabahuhan ng biktima at suspek sa Brgy. Halang, Amadeo, sa gitna ng mainitan nilang pagtatalo.
Bago nangyari ang insidente, nakipag-inuman muna ang dalawa sa kanilang mga kasamahan at nang malasing, nagpasiya ang biktima na bumalik na sa kanilang barracks.
Lingid sa biktima, sinundan siya ng suspek at sinita sa matagal na nilang alitan pagpasok sa barracks na naging sanhi ng kanilang pagtatalo.
Dito na dumampot ng tubo ang suspek at pinagpapalo sa ulo ang biktima na tuluyang nawalan ng ulirat bago naisugod ng iba pang kasamahan sa pagamutan.

