Barko Ang nasawi sa sumabog at nasunog na engine ng MV Everwin Star II sa Tondo, Maynila. Kuha ni JONJON C. REYES

Binatang seaman patay, 3 kasama sugatan matapos sumabog ang barko

Jon-jon Reyes Aug 27, 2024
49 Views

PATAY ang binatang seaman at sugatan ang tatlong kasama niya nang masunog ang makina ng MV Everwin Star-II matapos sumabog habang nakadaong sa Vitas Pier 18 sa Mel Lopez Blvd., Brgy. 101, Tondo, Maynila noong Lunes.

Tubong Pangasinan at stay-in sa MV Everwin Star-II ang biktimang si Timothy James Lumagui Rivera, ayon kay Police Capt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District homicide section.

Nagtamo ng sugat sina Louie Belen, 21; Alfred De Leon Isip, 24; at Ronaldo Bernardo Ampatin, 43.

Batay sa salaysay ni De Leon, habang tinutulungan nila sa pagkarga ng mga kargamento ang biktima pumunta si Lumagui sa unahan ng barko para patayin ang hydraulic machine.

Isang pagsabog mula sa forecastle sa ibabang kubyerta ng barko ang dahilan ng matinding paso ng tatlong nakaligtas, ayon sa report.

Minalas si Lumagui dahil nasunog siya hanggang sa mamatay.

Matapos ang insidente, nakalabas ang mga biktima at nakahingi ng tulong sa security officer ng Pier 18 na rumesponde para isugod sila sa ospital.