BOC1

BOC Clark naharang shipment ng kush na may halagang P.7M

74 Views

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark ang isang shipment na naglalaman ng kush o high grade marijuana na nagkakahalaga ng P789,000.

Ayon sa BOC, ang shipment ay dumating noong Oktubre 17, 2024 at idineklarang “Men’s Track Suits, Size Medium, Polyester.”

Napansin umano ang kahina-hinalang laman ng package ng dumaan sa X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC.

Nang buksan ang package ay nakita sa loob ang isang shirt at shorts kung saan nakatago ang dalawang silver vacuum sealed bag na parehong naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Nakumpirma sa isinagawang chemical laboratory analysis ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na marijuana ang kahina-hinalang bagay na isang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Agad na nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention si Acting District Collector Jairus Reyes laban sa shipment.

Muling iginiit ni Customs Commissioner Bienvenido R. Rubio ang dedikasyon ng BOC upang mapangalagaan ang bansa laban sa mga nagtatangkang mnagpuslit ng ipinagbabawal na gamot alinsunod na rin sa direktiba nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Finance Secretary Ralph G. Recto.