BOC naghain ng reklamo laban sa mga smuggler ng asukal

193 Views

NAGHAIN ng reklamo ang Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga smuggler ng asukal.

Tatlong reklamo ang inihain ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) dahil sa paglabag ng Customs law.

Kasabay nito ay nangako si Customs Commissioner Bienvenido Rubio na patuloy na paiigtingin ng BOC ang kampanya nito laban sa smuggling.

“Our continuous filing of criminal complaints against perpetrators of illegal importation manifests our commitment to end smuggling,” ani Commissioner Rubio.

“We will continue to strengthen our border control measures and file cases against violators of Customs laws to ensure compliance among stakeholders,” dagdag pa ni Rubio.

Ang unang reklamo ay laban sa importer at Customs broker na iligal umanong nagpasok ng saku-sakong asukal na nakalagay sa 13 shipping container sa Manila International Container Port.

Ang dalawa pang inireklamo ay inihain laban sa importer at Customs broker na iligal umanong nagpasok ng 58 shipping container ng asukal sa Port of Subic.

Ang mga inireklamo ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 1401 in relation to Sections 1400 at 117 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), SRA-BOC Joint Memorandum No. 4-2002, at Sections 3 at 4 ng Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Mula Enero 1 hanggang Marso 17, 2023, umabot na sa 45 agri-related criminal complaints laban sa mga importer at Customs broker ang nasampahan na ng reklamo.