NFA1 Source: NFA

Bodega sa Bulacan ng NFA binuksan para lagyan ng palay

Cory Martinez May 26, 2025
29 Views

Muling binuksan ng National Food Authority (NFA) ang 45-taon nitong bodega sa Malolos City, Bulacan upang mapaigting ang pagbili ng mga palay mula sa mga magsasaka.

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang reopening ng bagong rehabilitated na bodega na ayon sa kanya’y mahalagang hakbang sa pagpursige ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapaigting ang pagbili ng mga palay, pataasin ang kita ng mga magsasaka at mapanatili ang programang P20/kilo rice.

“This long-overdue upgrade of a 45-year-old facility ensures that our hardworking rice farmers—especially in Bulacan—are no longer at the mercy of opportunistic traders,” ani Tiu Laurel, na pinuno rin ng NFA Council, ang policy-making body ng ahensya.

Sa kasalukuyan, bumibili ang NFA ng palay mula sa mga magsasaka mula P18 hanggang P24 kada kilo o mas mataas sa estimated production cost na P12 hanggang P14.

Sinasamantala naman ng ilang negosyante ang pagsasara ng naturang bodega na kung saan binabayaran lamang ang mga magsasaka ng P11.50 kada kilo.

Sinabi naman ni NFA Administrator Larry Lacson na ang rehabilitasyon ng bodega nagsimula noong Disyembre at nagkakahalaga ng P10.4 milyon.

Nagkaroon lamang ng mga minor repair sa loob ng maraming dekada ang naturang bodega na itinayo noong 1979 sa 2,400-square-meter area.

“This project is vital to fulfilling the NFA’s mandate of securing a reliable rice buffer stock, especially in times of crisis,” ani Lacson.

Sa huling tala nitong Mayo 20, mayroong nakaimbak ang NFA ng may 8.24 milyon bag ng bigas na sapat na ipakain sa buong bansa sa loob ng 11 araw.

Sa ilalim ng amended Rice Tariffication Law, itinaas ang target reserve sa 15 araw ng national consumption.

Ibinebenta na ngayon ang NFA-sourced rice sa halagang P20 kada kilo sa mga  KADIWA ng Pangulo stores at piling lokal na pamahalaan

Senyales ang muling pagbubukas ng bodega hindi lamang sa infrastructure renewal kundi pati na rin sa pinaigting na komitment para sa kapakanan ng mga magsasaka at food security.