Calendar

British national natagpuang nakabigti sa cr ng hotel sa Pampanga
NATAGPUANG nakabigti sa banyo ang 64-anyos na British national noong Sabado sa isang hotel sa Angeles City, Pampanga.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director P/Brig. Gen. Jean Fajardo, nanunuluyan ang biktima sa hotel sa Lanzones St., Clarkview, Brgy. Malabanias, Angeles City.
Nagpadala ng mga pulis sa lugar matapos ipaalam sa kanila ng staff ng hotel na may natagpuang patay na dayuhan sa loob ng kanyang silid.
Sa pagsusuri sa CCTV footage, dakong ala-1:00 ng madaling araw narinig ang lasing na dayuhan na nakikipagtalo sa isang tao.
Bandang alas-2:00 ng hapon kumatok ang staff ng hotel sa kanyang pinto para ipaalam na checkout na pero walang sumasagot.
Ginamitan ng master key ang pinto at doon nakita ang wala nang buhay na foreigner sa loob ng shower room na nakaluhod, nakasakal ang leeg ng puting lubid na nakasabit sa roller guide ng shower frame.
Sinabi ng pulisya na walang palatandaan ng karahasan sa silid.
Nang makipag-ugnayan ang hotel management sa asawa ng dayuhan, sinabi umano ng misis nito na nagkakaroon sila ng problema sa relasyon bago ang insidente.