Calendar

BuCor chief Catapang inanunsyo paglipat NG 200 PDL mula NBP sa Munti papunta sa SPPF
INILIPAT ng Bureau of Corrections ang 200 Persons Deprived of Liberty mula New Bilibid Prison sa Muntinlupa patungong Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro
Inanunsyo ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na inilipat ang 200 Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City patungo sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Catapang, ang mga PDL ay sinamahan ng 100 corrections officers sa pangunguna ni CCINSP Anthony Nupable Omega, kasama ang dagdag na puwersa mula sa BuCor SWAT, PNP Muntinlupa, PNP HPG, Philippine Coast Guard, Port Police, at SLEX Security Team upang matiyak ang ligtas at maayos na paglilipat.
Bahagi ito ng patuloy na programa ng BuCor para ma-decongest o mabawasan ang siksikan sa NBP at paghahanda na rin sa planong pagsasara nito pagsapit ng taong 2028. Layunin din ng paglilipat na suportahan ang pangangailangang lakas-paggawa sa agrikultura ng Sablayan para sa mga Institutional Projects nito, dagdag pa ni Catapang.
Ligtas na nakarating ang grupo sa SPPF noong Biyernes ng gabi.
Samantala, sa pagsisimula ng tag-ulan, inatasan ni Catapang ang mga opisyal ng BuCor na magpatupad ng masusing mga hakbang para sa kaligtasan sa lahat ng pasilidad.
Kabilang sa mga tagubiling ito ang pagsusuri at pagkukumpuni ng mga bubong, paglilinis ng mga alulod at kanal, pagputol ng mga sanga ng puno, at pagtitiyak na handa ang mga supply ng kuryenteng gagamitin sa oras ng emergency.
Ayon kay Catapang, sa pamamagitan ng mga hakbanging ito, layunin ng BuCor na mabawasan ang mga panganib na dulot ng matinding pag-ulan upang mapanatiling ligtas ang mga bilanggo at kawani ng ahensya.
Hinimok din niya ang kanyang mga tauhan na maging mapagmatyag sa pakikinig sa mga abiso ng panahon at agad na kumilos sakaling may babala ng pagbaha. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kahandaan upang maiwasan ang sakuna, aksidente, o pinsala sa buhay at ari-arian.