Calendar
BuCor nilinaw na walang scabies outbreak sa NBP
NILINAW ng Bureau of Corrections (BuCor) na walang nagaganap na outbreak ng scabies sa New Bilibid Prison o sa alinmang gumaganang bilangguan at penal farm sa buong bansa.
Ayon kay CT/Supt. Ma. Cecilia V. Villanueva, Acting Director for Health and Welfare Services, ang huling naitalang outbreak ng scabies sa kanilang mga pasilidad ay nangyari pa dalawang taon na ang nakalipas.
Noong panahong iyon, nagsagawa ang International Committee of the Red Cross (ICRC), sa pakikipagtulungan sa BuCor, ng programang tinawag na “Alis Galis.”
Ginawa ni Villanueva ang paglilinaw matapos magbabala ang Kapatid, isang non-governmental organization, tungkol sa posibleng outbreak dahil sa matinding siksikan at kakulangan sa tubig sa New Bilibid Prison (NBP).
Inakusahan din ng grupo na nahirapan umano silang makipag-ugnayan sa BuCor at sa pamunuan ng NBP kaugnay ng kanilang humanitarian request.
Ipinaliwanag ni Villanueva na may mga sinusunod na protocol para sa mga nais magdala ng gamot para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) upang matiyak ang pananagutan at kaligtasan, at upang maiwasan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na bagay sa loob ng mga pasilidad.
Narito ang ilang pangunahing proseso sa pagdadala ng mga gamot sa mga correctional facility:
Ang lahat ng gamot ay kailangang ideposito muna sa Directorate for Health Services (DHS) at pagkatapos ay dadalhin sa pharmacy o camp infirmary upang ibigay sa PDL na nangangailangan.
Kailangang magbigay ang mga kamag-anak ng itemized list ng mga gamot kasama ang mga lalagyan na may label ng pangalan ng PDL. Magbibigay ng resibo ang pharmacist-on-duty.
Kailangang may kasamang valid na reseta ng doktor ang mga gamot upang ito ay maaprubahan.
May kapangyarihan ang mga medical officer o pharmacist na suriin ang mga dalang gamot at magpasya kung paano ito ipoproseso o ipamamahagi.
Tiniyak ng BuCor sa publiko at sa mga pamilya ng mga persons deprived of liberty na kaya nitong tumugon nang maayos sa anumang isyung pangkalusugan na maaaring lumitaw sa loob ng mga pasilidad ng bilangguan.

