Bucor1

BuCor pinarangalan sakripisyo, dedikasyon ng opisyal, kawani; 87 tauhan prinomote

15 Views

SA pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansa nitong Hunyo 12, pinarangalan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang sakripisyo at dedikasyon ng kanilang mga opisyal at kawani sa pamamagitan ng promosyon ng 87 na tauhan sa isang simpleng seremonya na ginanap sa New Bilibid Prison (NBP) compound sa Lungsod ng Muntinlupa.

Kabilang sa mga na-promote ay 33 na commissioned personnel, 54 na non-commissioned personnel, at pito na non-uniformed personnel.

Inanunsyo rin ng BuCor ang bagong pagkakatalaga ng limang non-uniformed personnel, labing-isang uniformed personnel, at isang civilian lateral entry bilang dagdag sa kanilang lakas-paggawa.

Ipinahayag ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang kanyang taos-pusong pasasalamat at pagbati sa mga bagong-promote, at binigyang-diin ang kanilang kahanga-hangang serbisyo at matibay na paninindigan sa pagtupad sa misyon ng Bureau na may positibong ambag sa pangkalahatang pamamahala ng mga pasilidad ng piitan.

“Sinabi ko naman sa inyo na kapag kayo ay nagtrabaho ng tama at maayos ay mabibiyayaan kayo, pero kung kayo ay hindi aayos at magpapatuloy sa baluktot na gawain ay matatanggal kayo. So ito na ‘yon,” aniya, na nagpapaalala sa lahat na ang sipag at katapatan sa trabaho ay laging kinikilala at ginagantimpalaan.

Ayon pa kay Catapang, ang pagkilalang ito ay hindi lamang upang magbigay-inspirasyon sa mga napromote kundi magsilbing pamantayan para sa iba pang mga kasapi ng organisasyon.

Inaasahan din na ang mga bagong lider ay magsilbing gabay at inspirasyon sa kanilang mga kasamahan, upang mapanatili ng Bureau ang mga pangunahing halaga nito gaya ng integridad, propesyonalismo, at pananagutan.

Ang sabayang promosyon ay isa ring estratehikong hakbang upang mapahusay ang operasyon ng BuCor at matiyak na handa ito sa mga hamon sa larangan ng corrections, ayon kay Catapang.

Dagdag pa niya, ito ay sumasalamin sa adhikain ng paglinang ng kultura ng kahusayan at integridad sa loob ng BuCor — mga katangiang mahalaga hindi lamang sa tagumpay ng operasyon kundi pati na rin sa moral ng buong organisasyon.

Batay sa datos ng BuCor, pito katao na ang natanggal sa serbisyo, 93 ang nasuspinde, at isa ang na-demote mula nang pamunuan ni Catapang ang ahensiya.