ntf Source:PNA, NTF

Budget warrior di titigil sa paghahanap ng pondo para sa libreng kolehiyo

263 Views

LAHAT ng mga estudyanteng Pilipino ay siguradong magkakaroon ng pagkakataon na umunlad at magbago sa ilalim ng pamumuno ng lider na tulad ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na mahigpit na nagbabantay sa kaban ng bayan.

Ito ang inilahad ni Lacson nang makapanayam siya sa ‘Kapihan ng Samahang Plaridel’ media forum, nitong Lunes, kasabay ng pagbabahagi ng kanyang mga plano sakaling mahalal bilang susunod na pangulo na mamumuno sa ehekutibong sangay ng gobyerno.

Sa kanyang pakikipag-usap sa forum host na si Jullie Yap Daza, muling ibinalita ni Lacson ang mga naging benepisyo ng pakikipaglaban niya para sa maayos na paggasta sa pambansang budget. Aniya, batay sa pagtataya ng kanyang staff ay umabot na sa mahigit P300-bilyong pondo ng pamahalaan ang natipid dahil pa lang sa patanggi niya sa alokasyon ng pork barrel.

Nakilala si Lacson bilang protektor ng pambansang budget sa Senado dahil sa paghahanap niya ng pondo mula sa mga ahensya ng pamahalaan na hindi naman ito lubusang nagagamit at dinadala patungo sa iba pang programa ng gobyerno.

Ikinuwento ni Lacson sa nasabing forum na ganito ang kanyang ginawa noong ika-17 Kongreso nang ipasa nila ang Batas Republika 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na nagbigay ng pagkakataon sa lahat ng mga Pilipino na makapag-aral sa kolehiyo sa pribado man o pampublikong eskwelahan.

“Merong bill noon na pending na Free Tertiary Education. Pondohan na natin. So, napilitan ngayon… Naipasa namin because merong initial na funding—P8.3 [billion]. Those are some of the… That’s just one of the many parang benefitsna na-derive sa pag-scrutinize ng budget,” sabi ni Lacson.

Ang P8.3-bilyong pondo na kanyang tinutukoy ay nanggaling sa orihinal na budget ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) na isiningit sa alokasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Napansin ni Lacson na hindi ito naaayon sa batas kaya naisip niyang ilipat ito sa ibang proyekto.

Imbes na masayang o maabuso ang nasabing pondo, iminungkahi ni Lacson na gamitin ang perang ito para maipatupad ang RA 10931. Suportado ito ng kanyang ka-tandem na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, na majority floor leader nang panahong ‘yon, kaya naipasa nila ang nasabing batas.

Sa kanilang naging pagbisita sa Bogo City, Cebu noong nakaraang linggo, sinabi ni Lacson na handa siyang magkaroon ng mga pagbabago sa budget upang matugunan ang hiling ng ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan para palawigin ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

Ang UniFAST ay kaakibat na ahensya ng Commission on Higher Education (CHED) na binuo para mangangasiwa ng lahat ng paraan para maipatupad ang iba’t ibang mga programa ng gobyerno na naglalayong bigyan ng tulong pinansyal ang mga estudyante na nasa kolehiyo.

Ayon kay Bogo City Mayor Carlo Jose Martinez, ang implementasyon ng programang ito sa Cebu ay limitado lamang sa kasalukuyan at nararamdaman lang sa piling mga kolehiyo sa mga lungsod ng lalawigan.

Isang residente mula sa San Remigio—isang third-class municipality sa Cebu—ang nagtanong kay Lacson kung posible ba umanong mapalawig ang UniFAST program sa kanilang bayan. Tugon ng presidential candidate, mahigpit niyang pag-aaralan ang hiling na ito upang matingnan kung posible pang mabago ang kasalukuyang polisiya.

“As a matter of policy, mayroong mga limitations, but we can make adjustments. ‘Yon ang beauty ng dialogue like this because we learn from you. Because we didn’t know this—na hindi pala umaabot ‘yung ganoon, merong hindi nakakarating because of restrictions,” sabi ni Lacson.