Bulacan

Bulacan inihain bilang sentro ng mga food security proyekto

404 Views

IGINIIT ni Senador Joel Villanueva na ang lalawigan ng Bulacan ay may napakalaking potensyal na maging pangunahing lokasyon ng mga proyekto para sa food security ng bansa, dahil sa estratehikong lokasyon nito, lumalagong ekonomiya, at patuloy na pagsulong ng imprastruktura.

Sa pagtukoy sa kanyang lalawigan, sinabi ng senador, “Bulacan is a natural extension of Metro Manila going to the north. The rails are coming, the airport is being constructed, more roads are being built. Development has nowhere to go but Bulacan.”

Batay sa tala ng Board of Investments (BOI), umabot na sa 31 food-related investment projects ang nabigyan ng Green Lane certification hanggang Hunyo 2024. Ang mga proyektong ito ay may kabuuang halagang P18.7 bilyon at inaasahang makalilikha ng tinatayang 7,000 trabaho. Ayon kay Villanueva, ang Bulacan ay isang angkop na lugar para sa ilan sa mga proyektong ito, kabilang ang modernong breeder farms, coconut processing plant, at mga cold storage facility.

Ang Green Lane ay ipinatupad sa pamamagitan ng isang executive order upang pabilisin ang mga proseso ng pag-apruba sa mga estratehikong pamumuhunan, gamit ang digital at streamlined na pamamaraan.

Sa larangan ng ekonomiya, batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, ang Bulacan ay nakapag-ambag ng P631.64 bilyon sa gross domestic product (GDP) ng bansa noong 2023, na siyang ikaapat na pinakamalaki sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila. Sa agrikultura, nagtala rin ito ng mataas na produksyon ng palay na umabot sa 387,699 metriko tonelada, at pumangatlo sa hog production sa Gitnang Luzon noong 2021 na may 21,597 ulo.

Binanggit din ni Villanueva ang pangangailangan para sa mas maraming cold storage infrastructure upang masuportahan ang industriya ng aquaculture—lalo na sa hipon, alimango, at bangus—na makatutulong hindi lamang sa lokal na suplay kundi maging sa export market.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang maging handa ang buong lalawigan sa pagpasok ng malalaking pamumuhunan. “All hands should be on deck, from the local government, to the academe, the business sector, and other stakeholders. We want to show we are ready for every opportunity,” pahayag ni Villanueva.