Scanner

Smuggling ng kontrabando sa SPPF tatapusin ng 2 full body scanner

214 Views

INANUNSYO ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang operasyon ng dalawang full body scanner sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro, na layuning paigtingin ang mga hakbang laban sa pagpupuslit ng kontrabando, lalo na sa mga pasilidad na kinabibilangan ng mga high-profile na persons deprived of liberty (PDLs), kabilang na ang mga kilalang drug lords.

Ayon kay Catapang, nadagdagan na sa apat ang kabuuang bilang ng mga full body scanner ng BuCor, kung saan ang unang dalawa ay na-install na sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Ang pagkakabit ng mga full body scanner ay alinsunod sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at sa pagpapalakas ng seguridad sa loob ng mga kulungan, dahil kayang matukoy ng mga ito ang mga bagay na nilunok, itinago sa ilalim ng damit, o ipinasok sa sensitibong bahagi ng katawan ng mga bisita, paliwanag ni Catapang.

“Nakuha na namin ang mga scanner noong nakaraang buwan pero isang linggo pa lang itong na-install, at ngayon ay ganap nang operational upang pigilan ang pagpupuslit ng kontrabando sa loob ng SPPF, palakasin ang seguridad, at padaliin ang screening ng mga bisita nang hindi na kinakailangang isagawa ang cavity check,” paliwanag pa niya.

Dagdag pa ni Catapang, bukod sa full body scanner, maglalagay din ng under vehicle surveillance camera sa SPPF sa susunod na buwan bilang karagdagang panseguridad. Layunin nitong inspeksyunin ang ilalim ng mga sasakyan upang mapigilan ang pagpasok ng kontrabando, pampasabog, at armas na maaaring hindi makita sa karaniwang visual inspection.

Bukod sa mga makabagong teknolohiya, ipinagmalaki rin ng BuCor ang pagde-deploy ng 75 personnel mula sa Task Force “Sanib Pwersa” na binubuo ng mga tauhan mula sa BuCor, Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA), upang magbigay ng mas malawak at komprehensibong seguridad. Inaasahan din ang karagdagang 75 personnel mula sa PNP upang umabot sa kabuuang 150 ang bilang ng mga tauhang magbabantay.

Ayon pa kay Catapang, bahagi ito ng mas malawak na inisyatiba ng BuCor, na may plano ring bumili ng anim pang full body scanner na ipapamahagi sa iba’t ibang kulungan at penal farms sa buong bansa. Ito ay patunay ng kanilang paninindigan na tiyaking ligtas ang kapaligiran para sa mga PDLs at mga kawani, habang aktibong pinipigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na bagay sa mga kulungan.