BBM

PBBM pinasalamatan ng guro, estudyante sa Zamboanga del Norte

410 Views

Gamit ang satellite internet

NAGPAABOT ng taos-pusong pasasalamat ang mga guro at estudyante mula sa dalawang liblib na barangay sa Zamboanga del Norte kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng isang naitalang video message na ipinadala gamit mismo ang teknolohiyang handog ng Pangulo para ikonekta sila sa mundo: ang satellite-powered internet.

Ang Seroan Integrated School sa Barangay Seroan sa bayan ng Katipunan, at ang Marupay National High School sa Barangay Marupay sa bayan ng President Manuel A. Roxas ang pinakabagong nakinabang sa inisyatiba ni Pangulong Marcos para sa konektividad ng mga paaralan.

“Marami pong salamat sa inyo, President Bongbong Marcos, para po sa inyong handog sa amin na smart classroom interactive board at satellite internet connection! Yehey!” ayon sa mensahe ng mga guro at estudyante ng Seroan Integrated School para sa Pangulo.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga guro at estudyante ng Marupay National High School sa pamamagitan ng kanilang sariling video message para sa Pangulo.

Kasama ang mga kinatawan mula sa pamahalaan at mga technician, na-install noong Biyernes ang satellite internet unit mula sa Starlink at ang interactive board na Huawei Idea Hub sa dalawang paaralan.

Sa hiwalay na video message para sa Pangulo, sinabi ni Jessan Macam, punong guro ng Seroan Integrated School, na malaki ang maitutulong ng satellite-powered internet sa pagpapadala ng mga ulat na agad na kailangan ng mas mataas na opisina, gayundin sa pagtanggap ng mga opisyal na abiso mula sa division office ng paaralan.

“Kami po ay nagpapasalamat, pati na ‘yung mga guro natin dito at mga kababayan. Ito ay aming magagamit sa lahat ng oras na nangangailangan ng internet connection,” ani Macam.

Sa pag-install ng Huawei Idea Hub sa Marupay National High School, binigyan ng orientation ang mga guro kung paano gamitin at paandarin ang smart interactive board.

Ayon kay Pangulong Marcos, patuloy ang pagsusumikap ng kanyang administrasyon na makonekta sa internet ang lahat ng paaralan sa bansa bago matapos ang taon. PCO