Bulacan Source: Screen grab mula ABS-CBN video

Bulacan inulan ng yelo

215 Views

NAKARANAS ng hailstorm o pag-ulan ng yelo ang ilang barangay sa Bocaue, Bulacan nitong Martes ng hapon.

Ayon sa residente ng Barangay Taal, nagsimula ang malakas na ulan sa kanilang lugar dakong 3:15 ng hapon kung saan narinig ng mga ito na tila may mga batong pumapatak sa kanilang bubong.

Nang kanilang siyasatin ay nakita nila ang mga butil ng yelo na kasing laki ng barya.

Umabot din ng halos limang minuto ang hailstorm na ayon sa mga residente ay ngayon lamang nila naranasan.

Ayon sa meteorologist, ang hailstorm ay bunga ng matinding thunderstorm.

Kinumpirma ng PAGASA na kabilang ang Bocaue sa mga lugar sa Bulacan ang apektado ng malalakas na thunderstorm base sa Thunderstorm Advisory na inilabas ng ahensya sa parehong araw.

Bukod sa hailstorm, nakaranas din ang lugar ng malalakas na pag-ulan, pagkidlat, at bugso ng hangin.

Bagama’t wala namang napaulat na pinsala sa mga ari-arian o tao, nagdulot ito ng pagkamangha at pag-alala sa mga residente.

Pinayuhan naman ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto, lalo na sa mga biglaang pagbabago ng panahon.