Bulkang Taal bumuga muli ng vog

142 Views

MULI na namang naglabas ng volcanic smog o “vog” sa Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Lunes.

Sa pinakahuling bulletin na inilabas noong Lunes ng umaga, sinabi ng Phivolcs na nagbuga ang bulkan ng 1,379 metric tons ng sulfur dioxide sa nakalipas na 24 oras. Ang mga usok ay umabot sa taas na 1,500 metro mula sa Taal Volcano Island, ang crater landmass ng bulkan na kilala rin bilang “Pulo,” na nasa loob ng Lawa ng Taal, bago ito humangin papuntang hilagang-silangan.

Napansin ng mga state volcanologists ang muling paglitaw ng vog matapos itong mawala noong Agosto 31.

Ayon sa Phivolcs ang vog ay binubuo ng pinong patak na may kasamang acidic volcanic gas tulad ng sulfur dioxide, na maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan, at respiratory tract.

Noong Agosto 19 at Agosto 20, napilitan ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa ilang bayan sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na isuspinde ang mga klase sa kanilang mga lugar dahil sa vog mula sa Taal.