Calendar
Bumalik sa lugar ng krimen, rape suspek tiklo
ARESTADO ang 22-anyos na lalaki ng magbalik sa lugar kung saan siya nanghalay isang taon na ang nakalilipas sa Caloocan City.
Isinilbi ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles ang warrant of arrest galing kay Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Primo Elvin Lobina-Siosana ng Branch 128 laban kay alyas Tony na nahaharap sa kasong rape.
Nangyari ang panghahalay sa Brgy. 3, Sangadaan may isang taon na ang nakalilipas subalit nagtago at nawala ng parang bula sa lugar ang akusado.
Noong Lunes nakatanggap ng impormasyon ang Warrant and Subpoena Section ng Caloocan police na nagbalik sa naturang barangay ang akusado kaya’t, sa tulong ng Team 1 ng Regional Public Safety Battalion ng National Capital Region Police Office (RPSB-NCRPO), isinagawa ang magkasanib na manhunt dakong alas-3:50 ng hapon na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas Tony.
Pinuri ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan ang mga tauhan ng Caloocan City Police Station at lahat ng units na nagtulong-tulong sa pagtugis sa akusado.