CAAP

CAAP sinimulan runway works sa Iloilo airport

Jun I Legaspi Aug 12, 2025
359 Views

SINIMULAN na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) noong Lunes ang mga runway safety enhancement works sa Iloilo International Airport upang matiyak na ligtas at mas episyenteng operasyon ng paliparan.

Alinsunod sa direktiba nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Transportation Secretary Vince Dizon na gawing moderno at i-upgrade ang imprastraktura ng aviation facilities, patuloy na nagpapatupad ang CAAP ng mga proyektong nagpapahusay sa kaligtasan, kahusayan ng operasyon at kalidad ng serbisyo sa mga paliparang sakop nito.

Saklaw ng runway safety enhancement project ang pagsasaayos ng runway edge strip at slope, gayundin ang embankment works sa Sectors 5 at 7.

Tinatayang matatapos ang proyekto sa loob ng 45 araw.

Kasama sa gagawin ang pagtanggal ng naipong lupa, pagsasaayos ng mga hindi pantay na bahagi sa airside at pagpuno sa mga mababang lugar upang mapabuti ang daloy ng tubig at maiwasan ang pagbabara o pagbaha tuwing malakas ang ulan.

Naglabas na rin ng Notice to Airmen (NOTAM) para sa pansamantalang pagsasara ng paliparan mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng umaga araw-araw.

Bago ipinatupad, ito ay isinangguni muna ang schedule sa mga airline operator upang matiyak na walang biyahe ang maaapektuhan.

Nagpasalamat ang CAAP sa publiko para sa kanilang pag-unawa at pakikipagtulungan habang isinasagawa ang rehab ng Iloilo International Airport.