Taal

Phivolcs 31 lindol, 30 volcanic tremors sa paligid ng Taal naitala

Zaida Delos Reyes Aug 13, 2025
272 Views

TUMAAS ang aktibidad sa paligid ng bulkang Taal sa loob ng 24-oras.

Batay sa ulat na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 31 lindol at 30 volcanic tremors ang naitala sa paligid ng bulkang Taal.

Sa ulat ng Phivolcs nitong Miyerkules ng umaga, lumalabas na ang mga tremor ay tumagal ng hanggang isang minuto at sinamahan ng pagtaas ng seismic energy base sa real-time monitoring ng Taal Volcano Network (TVN).

Mula Agosto 9 hanggang 12, naitala rin ang 19 volcanic earthquakes at 21 tremors, habang mula Agosto 1 hanggang 9 ay apat lamang ang naitalang lindol.

Bagamat tumataas ang aktibidad ng bulkan, nananatili ito sa Alert Level 1, na nagpapahiwatig ng mababang antas ng pag-aalburuto.

Patuloy ang paalala ng Phivolcs na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng ahensya.