Cacdac

Cacdac, Macasaet lumagda ng MOU para sa benepisyo ng OFWs

Jun I Legaspi Sep 5, 2024
139 Views

MAGTUTULUNGAN ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Social Security System (SSS) upang isaayos pa ang social security access at mga benepisyo para sa mga Overseas Filipino Worker (OFWs) at kanilang mga pamilya.

Nilagdaan nina Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at SSS President and CEO Rolando Macasaet ang isang Memorandum of Understanding (MOU) nitong Agosto 27, 2024 para sa kanilang pagtutulungan.

Sa ilalim ng mga MOU, sisimulan ng dalawang ahensya ang malawakang information drive sa mga social security programs at membership benefits para sa mga OFW at kanilang mga pamilya.

“We are grateful for this meaningful partnership in helping our OFWs and their families achieve a financially and socially secured life, particularly in their eventual reintegration. Alam po natin na ang mga OFWs at ang kanilang pamilya ay uhaw sa impormasyon on how to make wise decisions for enhanced social protection and financial freedom,” saad ni Cacdac.

Samantala, muling iginiit ni SSS President at CEO ang kanilang pangako na tulungan ang mga OFW at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng maginhawa at maaasahang social security programs nito.

Inaasahan din aniya ng SSS ang pagtanggap ng mas maraming OFW bilang miyembro.

“Before, the OFW membership in SSS was only 1 million, but now there are 4 to 5 million OFW members, which was made possible through our massive membership campaigns,” pahayag naman ni SSS President and CEO Macasaet.

Ang pakikipagtulungan sa SSS ay isang mahalagang bahagi ng whole-of-government approach na pinamumunuan ng DMW para sa full-cycle reintegration program para sa mga OFW at kanilang mga pamilya.

Sa pamamagitan ng partnership na ito, ang mga OFW at kanilang mga pamilya ay magkakaroon ng mas pinahusay na access sa social safety nets para sa pagreretiro, kawalan ng trabaho, at iba pang contingencies.

Ang SSS, DMW, at iba pang stakeholder ay tutuklasin din ang posibleng pag-unlad ng savings at provident fund programs na iniayon sa mga partikular na pangangailangan ng mga OFW.