Cash assistance ilalarga sa mga apektado ng pag-aalburuto ng Mayon

171 Views

PINAPLANTSA ng gobyerno ang pagbibigay ng cash assistance sa libu-libong pamilya na naapektuhan sa pag-aalburuto ng bulkang Mayon.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa kasalukuyan ay food packs ang ibinibigay sa mga pamilya na nasa mga evacuation center.

“Now, alam natin na iyong mga food packs na iyan, ‘eh hindi naman iyan lahat ng pangangailangan mo na nandoon sa loob, kasi tipikal iyan. Pero kung mayroon kang anak na maliit na kailangan ng gatas and so forth, nag-uusap na rin kami ng local government, upon the instruction of the President, na baka kailangan sustentuhan o ayudahan natin ng financial assistance,” ani Gatchalian.

Nakikipag-ugnayan umano si Gatchalian kay Albay Governor Grex Lagman para ayusin ang planong pamimigay ng cash assistance.

“We are always in communication with Governor Grex Lagman. We are also talking to the congressional representatives of Albay. So, to get all the varying inputs, kung paano pa tayo makakatulong,” sabi pa ni Gatchalian.

Sinabi ng kalihim na ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos sa kanya ay tiyakin na mayroong makakain ang mga evacuees.

“The President is monitoring the situation carefully. We’ve been in constant communication since last week, on a daily or hourly basis, about his directives on making sure that lahat ng mga na-evacuate ay may pagkain,” sabi pa ng kalihim.

“Alam naman natin ang pagpapatakbo ng evacuation centers are the responsibilities of the local government units. But the DSWD, upon instruction of the President, will give them the necessary logistical support,” dagdag pa nito.