Nakaw Ang mga suspek sa pagnanakaw ng deposit box mula sa isang sari-sari store at naaresto ng mga operatiba ng MPD-Malate Police Station 9. Kuha ni JONJON C. REYES

Cash box tinakbo, 3 ‘kawatan’ tiklo

Jon-jon Reyes Jul 25, 2025
235 Views

NATIMBOG ang tatlong umano’y kawatan ng deposit box ng sari-sari store habang nasa kasagsagan ng malakas na ulan sa F. Leveriza St., Brgy. 705, Malate, Manila noong Huwebes.

Sa tulong ng mga barangay tanod, naaresto ang mga suspek na si alyas Jeric at ang mga lookout na sina Russell at Aries.

Base sa ulat ng Malate Police Station 9 ng Manila Police District, alas-2:00 ng madaling araw ng distrungkahin ni alyas Jeric ang steel window sa tindahan.

Huli na ng madiskubre ng may ari na nawawala na ang cash deposit box na may lamang P10,000.

Nakipag ugnayan si Patrolman Jan Paulo Galut kay Police Lieutenant Celso Sorita Jr., duty desk officer, at isinagawa ang masusing imbestigasyon

Ayon kay Samuel Aquino, barangay tanod, namataan niya ang tatlong lalaki sa harap ng tindahan at nakita niya ang mastermind na dala ang kahon na pinaglalagyan ng pera habang ang dalawang kasabwat nagsilbing lookout.

Nagresponde ang mga tauhan ng Station 9 at nabawi ang pera ng tindahan subalit kulang na ng P2,800 ang narekober.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code (robbery).