Catapang

Cashless policy nais ipatupad sa BuCor

190 Views

PINAPLANO ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpapatupad ng cashless policy sa mga kulungan nito simula sa Setyembre.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. pinapayagan ang mga person deprived of liberty (PDL) na magkaroon ng pera na nakukuha mula sa kabayaran sa kanilang pagtatrabaho sa mga livelihood program habang tinatapos ang kanilang sintensya.

Pero ginagamit umano ang pera sa mga iligal na transaksyon kaya nagdesisyon ang BuCor na repasuhin ito.

Kapag ipinatupad na ang cashless policy, ang lahat ng pera na hawak ng mga PDL ay maaari ng kumpiskahin.

Ang pera ng PDL ay ipapasok sa trust fund ng PDL samantalang ang pera ng mga corrections officer ay ipapasok naman sa employees trust fund.

Bibigyan umano ang mga PDL ng booklet kung saan nakalista ang credit nito na magagamit sa pagbili sa mga tindahan sa loob ng kulungan.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Catapang na madaling mababantayan ang mga transaksyon sa loob ng piitan.

Ang bawat PDL ay pinapayagan na makatanggap ng hanggang P2,000 kada linggo.