Cedric Screen grab mula Balitanghali news video

Cedric, Deniece hinatulan ng reclusion perpetua!

Edd Reyes May 2, 2024
104 Views
Deniece
Screen grab mula Balitanghali news video
Vhong
Screen grab mula Balitanghali news video

GUILTY ang hatol ng hukuman sa negosyanteng si Cedric Lee, modelong si Deniece Cornejo at dalawa pa kaugnay sa kinakaharap na kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng actor comedian at TV host na si Ferdinand “Vhong” Navarro.

Sa 94-na pahinang desisyon Huwebes ng umaga ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Mariam G. Bien ng Branch 153, pinatawan ng parusang reclusion perpetua o pagkabilanggo ng walang kaukulang pagpapatawad o parole sa loob ng 40 taon sina Lee, Cornejo, Ferdinand Guerrero at Simeon Palma Raz, Jr.

Pinagbabayad din ng hukuman ang mga akusado ng kabuuang halagang P300,000 bilang danyos kay Navarro na may interes na anim na porsiyento kada taon hanggang sa tuluyan itong mabayaran.

Sa ginanap na promulgasyon, tanging sina Cornejo at Raz lamang ang dumalo na kaagad isinailalim sa kostudiya ng pulisya habang naglabas ng warrant of arrest ang korte para sa agarang ikadarakip nina Lee at Guerrero.

Hindi rin sumipot sa pagbaba ng desisyon si Navarro na kinatawan naman ng kanyang abogadong si Atty. Alma Mallonga na nagpahayag ng pagpapaabot aniya ng pasasalamat ang kanyang kliyente sa nakamit na hustisya matapos ang 10-taon.

Magugunita na isinampa ng Department of Justice (DOJ) noong Abril 04, 2014 ang kasong serious illegal detention for ransom laban sa apat na akusado at sa tatlo pang sina Bernice Lee, Jose Paolo Calma, at Sajed Fernandez matapos nilang i-detain si Navarro, pinagbubugbog, pinagbantaang papatayin at hiningan ng P2 milyong ransom para sa kanyang kalayaan sa isang condominium building sa Bonifacio Global City (BGC).

Nauna ng kinasuhan ni Cornejo si Navarro ng panghahalay na pinagtibay ng Court of Appeals (CA) noong Hulyo at Setyembre ng taong 2022 at iniutos sa Taguig RTC na sampahan ng rape at acts of lasciviousness ang actor/tv host.

Gayunman, noong buwan ng Marso ng nagdaang taon, binaligtad ng Korte Suprema ang desisyon ng CA at pinawalang sala si Navarro dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensiya.