Acidre House Assistant Majority Leader Jude Acidre

Chairman Acidre sa kampo ni Duterte: Malinaw na krimen wag politikahin

17 Views

HUWAG haluan ng politika ang paglilitis ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng pagpatay sa libu-libong Pilipino nang ipatupad ang war on drugs campaign, hamon ni House committee on overseas workers affairs chairman Jude A. Acidre ng Tingog Party-list sa mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

“Ang simpleng argumento dito ay pumatay ka kaya dapat kang managot. Huwag gawing politika ang malinaw na krimen,” ayon pa kay Acidre, na siya ring Assistant Majority Leader sa Kamara.

“Katarungan po para sa mga napatay ng fake drug war ang dapat na pagtuunan natin ng pansin at kanilang pamilya,” aniya.

Binatikos din ni Acidre ang mga kaalyado ni Duterte sa paggamit ng mga mapanlinlang na pahayag upang ipakita na ang kaso sa ICC ay isang pampulitikang pag-atake, sa halip na kanilang harapin ang legal na merito ng kaso.

“This is not about political vendettas. This is about justice for the thousands who were killed in the name of a drug war that disregarded due process. Instead of politicizing the process, they should allow the law to take its course,” saad pa nito.

Sinang-ayunan din ni Acidre ang pahayag ni Ruben Carranza, senior associate sa International Center for Transitional Justice, na kinastigo ang kampo ni Duterte sa kawalan ng malinaw na legal strategy at sa paggamit ng ICC bilang political battlefield.

“Tama si Ginoong Carranza. Hindi ito eleksyon. Hindi ito propaganda war. Ito ay paglilitis para sa buhay ng libo-libong Pilipino na minasaker nang walang paliwanag at walang due process,” dagdag pa ng kongresista.

Tulad ng puna ni Carranza, sinabi ni Acidre na hindi sanay ang legal team ni Duterte sa proseso kung saan iginagalang ang due process, kaya’t hirap silang makibagay.

Binigyang-diin din niya na marami ng kasong hinarap ang ICC na may kinalaman sa political personalities, ngunit nananatili itong nakapokus sa legal at aktuwal na ebidensya upang matiyak ang makatarungang paglilitis.

“The ICC is not easily swayed by political theatrics. They deal with politicized criminal cases all the time, yet they remain committed to the truth and the rule of law. That is what the former president should face—a legal battle, not a political one,” ayon pa kay Acidre.

Babala pa ni Acidre na maaaring masira ang kredibilidad ng mga kaalyado ni Duterte kung patuloy nilang ililihis ang usapin mula sa katarungan patungo sa pulitika.

“Ang dapat nilang gawin ay patunayan sa korte na inosente ang dating pangulo kung talagang wala siyang kasalanan. Ngunit kung patuloy nilang gagamitin ang isyung ito bilang pulitikal na sandata, ipinapakita lang nila na wala silang malakas na depensa,” aniya.

Kaya’t panawagan ng kongresista sa kampo ni Duterte na pagtuunan ng pansin ang legal na depensa sa halip na gamitin ang kanilang mga tagasuporta upang magpakalat ng maling impormasyon at guluhin ang proseso ng hustisya.

“No amount of rallies or propaganda can erase the fact that thousands were killed without due process. If Duterte believes he is innocent, he should prove it in court, not in the streets,” giit pa ni Acidre.