CHED

CHED: 940,000 estudyante sapul kung hindi maibabalik ₱17B budget

1111 Views

NAGBABALA nitong Biyernes si Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Shirley Agrupis na humigit-kumulang 940,000 estudyante ang maaaring maalis sa libreng kolehiyo kung hindi maibabalik ang ₱17 bilyon sa 2027 budget ng ahensya.

“Wala na kami pong itatawad pa. Hindi na po kami nagpapatawad. P17 billion ang kailangan namin,” ani Agrupis sa Senate finance subcommittee na pinamumunuan ni Sen. Joel Villanueva.

Sa National Expenditure Program, ₱35.453 bilyon lang ang budget ng CHED para sa 2027. Mas mababa ito nang ₱12.916 bilyon, o 26.7 porsiyento, kaysa ngayong taon. Humingi ang CHED ng ₱70.2 bilyon.

Bumaba rin ang pondo ng Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE), mula ₱37.547 bilyon tungong ₱27.790 bilyon.

Pagkatapos makipag-usap sa DBM at DSWD, pinaliit ng CHED sa ₱27.4 bilyon ang hinihinging dagdag. Ang ₱17 bilyon dito ang itinuturing nitong “critical” at hindi maipagpapaliban. Humigit-kumulang ₱14 bilyon nito ang para sa UAQTE, at ₱331 milyon ang para sa information system ng ahensya.

Kung hindi ito maibibigay, 940,000 estudyante raw ang maaapektuhan. Tinukoy sila ni Agrupis bilang mga papasok na estudyante sa state at local universities and colleges.

Isinumite na rin ng subcommittee sa plenaryo ang budget ng CHED, ng mga state universities and colleges (SUC) at ng University of the Philippines System. Nakasalalay ito sa mga dokumentong hiningi ng mga senador.

Ipinunto naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na walang pondo sa NEP para sa humigit-kumulang 230,000 bagong 4Ps beneficiaries na inaasahang papasok sa kolehiyo sa 2027.

Kinumpirma ito ni Agrupis. Kailangan daw ng ₱3.1 bilyon para sa kanila.

Nakatuon na ngayon sa mga pamilyang 4Ps ang tulong, sa ilalim ng RA 12325 na nag-amyenda sa free tertiary education law. Pero ayon kay Villanueva, 12.6 porsiyento lang ng tertiary education subsidy grantees sa unang semestre ng school year 2025–2026 ang galing sa 4Ps.

Tinanong naman ni Sen. Bam Aquino kung kailan ilalabas ang tulong para sa related learning experience (RLE) ng mga estudyante ng nursing at allied health. Dapat daw ay noong Agosto 25 pa ito lumabas.

Natanggap lang daw ng CHED ang SARO noong Setyembre 9, ayon kay Agrupis. Sa 60,424 na nag-apply, 28,071 ang kuwalipikado, pero 19,000 lang ang slot. Nangako siyang sisimulan ang release sa unang linggo ng Oktubre hanggang Nobyembre.

“Mag-re-Christmas po sila na masaya,” aniya.

Hiniling din ni Agrupis ang ₱7.5 bilyon para itaas ang tuition rate ng mga SUC. Mula nang ipatupad ang RA 10931, marami raw SUC ang naniningil pa rin ng ₱12 hanggang ₱150 kada unit.

“Tapos hanapan sila ng quality education paano?” tanong niya.

Iba naman ang panukala ng Philippine Association of State Universities and Colleges. Ayon sa pangulo nitong si Tirso Ronquillo, ₱200 kada unit ang dagdag para sa mga SUC na naniningil ng ₱100 pababa, at mas maliit para sa mas mataas ang singil. Aabot ito sa ₱13.37 bilyon.

Kinuwestiyon din ni Gatchalian ang mabagal na paggastos. Zero raw ang utilization ng seed fund para sa medical schools sa mga SUC, at 40 porsiyento lang sa Medical Scholarship and Return Service. Ayon kay Agrupis, 40.28 porsiyento ang obligation ng CHED hanggang Hunyo 30, at kalahati lang nito ang na-disburse dahil kulang ang cash.

Binalikan din ni Gatchalian ang 177 teacher education institution na zero ang pumasa sa licensure exam. Ayon kay Agrupis, 11 na ang naipasara at 26 na programa.

Pinuna rin ni Villanueva ang 18,436 bakanteng permanenteng posisyon sa mga SUC. Sa CHED, 545 lang sa 791 plantilla ang may nakaupo, habang 1,097 ang job order at contract of service.

Humiling na raw ang CHED sa DBM ng 1,592 posisyon.

Wala ring bagong Center of Excellence mula 2016, at nakabinbin ang 987 aplikasyon. Target daw ng CHED na maigawad ang mga ito sa Nobyembre 2026.

Binawasan din nang ₱805.457 milyon, o 9.9 porsiyento, ang Hospital Services Program ng Philippine General Hospital, na nasa ₱7.291 bilyon na lang.

Ayon kay Sen. JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Finance, nawala ngayong taon ang dagdag na pondong nakuha ng CHED noong nakaraang taon mula sa ₱250 bilyong flood control na ipinamahagi sa ibang ahensya. Masikip man daw ang pondo, sisikapin nilang maibalik ang nabawas sa CHED, SUCs at UP.