Chiz

Chiz duda na walang Pinoy na tumulong kay Alice Guo

93 Views

PINURI ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa aksyon nito kaugnay sa pagtakas ng na-dismiss na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo o Guo Hua Ping.

Ayon kay Escudero, patunay ng aksyon ng Pangulo ang seryosong pagtutok sa mga kritikal na isyu tulad ng kinasasangkutan ni Guo.

Duda rin si Escudero sa pahayag ng painaalis na mayor na walang Pilipinong tumulong sa kanya para makatakas.

“I do not believe Alice Guo’s assertion that no other Filipinos helped her. Possibly officials in government, other than the Bureau of Immigration, helped her,” ani Escudero.

Maaaring may iba pang personalidad, kabilang ang mga posibleng opisyal ng gobyerno na wala sa Bureau of Immigration, ang tumulong sa dating mayor para makatakas, ayon sa Senate president.

Hinimok niya ang mga awtoridad na ipagpatuloy ang pagtugis sa iba pang mga personalidad na posibleng sangkot sa pagtakas ng na-dismiss na mayor.

Partikular niyang binigyang-diin ang mga financiers at mga pangunahing personalidad sa likod ng pagtakas ni Guo na dapat managot.

Tinalakay rin ni Escudero ang mga alalahanin tungkol sa mga banta sa buhay ni Guo na maaaring totoo.

Sinang ayunan din nang pangulo ng Senado ang legal na isyu na binanggit ni Sen. Francis Tolentino kaugnay sa kasong nakabinbin laban sa dinismiss na mayor.

Nabanggit ni Escudero na kapansin-pansin na hindi pa nakapagpiyansa si Guo.

Nagtataka rin si Escudero sa reaksyon ni Guo matapos itong sampahan ng iba’t-ibang kaso at mas ginusto pa nitong manatiling nakakulong.

Sinabi rin ni Escudero na patuloy na lumalalim ang kontrobersya sa pagtakas ni Guo na kaya dumadami ang mga tanong sa posibleng pagkakasangkot ng mga matataas na opisyal ng gobyerno sa isyu.

Ilan sa mga senador nagsabi na malalim na international na sindikato ang nasa likod ni Guo.