Bangko Sentra Ng Pilipinas

Chiz sa Kongreso: Suportahan zero fees sa electronic fund transfersChiz sa Kongreso: Suportahan zero fees sa electronic fund transfers

100 Views

INIREKOMENDA ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na suportahan ng Kongreso ang inisyatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na alisin ang service fees sa electronic fund transfers para sa mga personal na transaksyon at pagbabayad sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs), na sinasabing matagal na itong dapat isinagawa para sa kapakanan ng maraming maliliit na negosyante.

“I could only hope that the thresholds will be higher and the coverage wider, to benefit more consumers, and expand further the user base of digital payments,” sabi ni Escudero na naniniwalang malaking tulong ito sa maraming Pilipino.ll

Bagama’t itinuturing ng ilan na maliit lamang ang bayad sa bawat fund transfer, iginiit ni Escudero na “if you add them up, say a year’s worth, the amount could be substantial.”

Binanggit ni Escudero mula sa mga ulat ng regulator na ang ilan sa mga kumpanya ay naniningil ng hanggang P75 para sa mga indibidwal na transaksyon, habang ang iba naman ay umaabot ng hanggang P600 para sa ilang mga transfer.

“Parang alkyansiya ‘yan. Maaring barya-barya lang ang naihuhulog pero ‘di mo namamalayan na ang laki na pala ng ipon,” paliwanag niya.

Binigyang-diin ni Escudero na habang mabilis na lumalago ang paggamit ng digital payments at electronic fund transfers, “new and appropriate regulations must also pick up speed. These cannot be behind the curve.”

Ang digital payments ngayon ay bumubuo ng halos 53 porsyento ng kabuuang retail payment transactions sa bansa, na lampas sa inaasahan ng BSP.

“Ang bilang ng monthly transactions ng mga bagay na pinamili ay mahigit-kumulang na 2.6 bilyon sa taong 2023. Ibig sabihin ay nasa 3.6 milyon na transactions ang nangyayari bawat oras. ‘Yan ang snapshot ng migration natin toward digital payments,” sabi niya.

Inilarawan ni Escudero ang pagtulak upang alisin ang fees para sa person-to-person digital money transfers na ginagamit para sa personal, pamilya, o pang-sambahayan bilang isang “solid and unassailable” na hakbang.

Binigyang-diin pa niya na kung makatwiran ang paggamit ng electronic money channels sa dalas at halaga ng ipinapadalang pera, “dapat zero na talaga ‘yan.”

Pinunto rin ni Escudero ang kahalagahan ng pag-aaplay ng zero fees sa digital payments para sa maliliit na negosyo, at sinabing, “It is on the same vein that zero fees must be imposed on digital payments to small businesses.”

Binigyang-diin niya na ang pagbawas sa operational costs ng mga lokal at komunidad na negosyante sa pamamagitan ng zero fees sa digital payments ay mahalaga sa pagpapalakas ng ekonomiya mula sa grassroots. “If we want to build our economy from the ground up, this is where these firms are, grassroots and community entrepreneurs, whose cost of doing business will be reduced with the move to zero fees on digital payments,” aniya.

Sa huli, sinabi ni Escudero na ang ganitong insentibo ay hindi magdudulot ng gastos sa gobyerno. “Above all, this is the kind of incentive that will not cost the government a single centavo,” dagdag niya.