District Rep. Joel Chua Manila 3rd District Rep. Joel Chua

Chua: 2 posibleng batayan ng impeachment vs VP Sara

55 Views

DALAWA ang nakikitang batayan ng House committee on good government and public accountability na maaaring magamit sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, kaugnay ng hindi nito maipaliwanag na paggastos ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, bagama’t ang imbestigasyon ay isinagawa para makalikha ng bagong batas upang mas maging malinaw kung papaano ginagamit ang pondo ng gobyerno, nakakita rin ang komite ng mga maaaring batayan sa pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Duterte, gaya ng graft and corruption at betrayal of public trust.

Sa isang panayam, sinagot ni Chua ang paratang ni Duterte na ang ginagawa ng kanyang komite ay isa lamang “fishing expedition” na naglalayong sirain lamang siya dahil umano sa politika.

“Well, in the first place, ginawa naman po ito not for the purpose of impeaching her. Ang purpose naman po rito ay in aid of legislation,” paliwanag ni Chua.

Aniya, ang mga natuklasan—gaya ng paggastos ng P125 milyong confidential funds ng OVP na naubos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022 ay sapat na upang magdulot ng mga pagdududa kung tama ang ginawang paggastos sa pondo ng bayan.

“Na-shock po ang lahat sa P125 million na nagastos in 11 days. At may lumabas nga po na findings ang COA (Commission on Audit) na nag-issue ng Notice of Disallowance (ND),” saad pa nito.

Noong Agosto, naglabas ang COA ng ND kaugnay ng kuwestyunableng paggamit ng P73.28 milyon na bahagi ng P125 milyong confidential fund ng OVP noong 2022. Nangangahulugan ito na hindi nabigyang katwiran at napatunayan ng OVP na tama ang ginawa nitong paggastos.

Ang tanggapan ni Duterte ay nakatanggap din ng P500 milyon sa confidential fund noong 2023 at sa halagang ito ay P375 milyon ang nagastos sa unang tatlong quarter ng taon.

Hindi na ginamit ng OVP ang nalalabing P125 milyon para sa ikaapat na quarter ng 2023.

Nakitaan din ng COA ng iregularidad ang ilan sa paggamit ng pondong ito kaya naglabas ito ng Audit Observation Memorandums at binigyan ng pagkakataon ang OVP na ipaliwanag ang ginawa nitong paggastos.

Sa gitna ng mga pagbatikos kaugnay sa mabilis na paggastos ng P125 milyon noong huling bahagi ng 2022, hindi na binigyan ng confidential fund ng Kongreso ang OVP para sa 2024.

Ayon kay Chua, maaaring maharap ang Bise Presidente sa impeachment dahil sa katiwalian at korapsyon, dahil sa mga hindi maipaliwanag na isyu tulad ng P15 milyon sa confidential funds ng DepEd na ginamit umano sa pagbabayad ng reward sa mga impormante at P16 milyon na ginastos ng OVP sa pagbabayad ng renta ng mga safe house sa loob ng 11 araw noong 2022.

“Pare-parehas po tayong nagtatanong kung saan napunta ‘yung P15 million. May certification, sine-certify pero inamin naman ng Army na hindi sa kanila napunta, walang dinownload. Ngayon ang tanong—saan napunta? ‘Yung P1 million na rental for safe houses, walang detalye. Hindi po natin alam kung totoo nga pong nagamit sa rentals,” punto pa ni Chua.

Tinukoy ni Chua ang mga natuklasan ng komite na ang DepEd, sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, na sinabing ginamit nito ang mga confidential and/or intelligence fund (CIF) para sa Youth Leadership Summit, gayung karamihan sa mga gastos ay mula sa pondo ng Philippine Army at mga lokal na pamahalaan.

Sa testimonya ng apat na opisyal ng militar, sinabi ng mga ito na hindi nila ginamit ang confidential fund ng DepEd sa Youth Leadership Summits noong 2023.

Gayunpaman, ginamit ng DepEd na pinamumunuan ni Duterte ang mga sertipikasyong inilabas ng mga opisyal upang bigyang-katwiran ang P15 milyon sa CIFs na umano’y inilaan para sa mga bayad sa mga impormante.

Sa nakalipas na pagdinig ng komite, ikinagulat ng mga mambabatas ang paggamit ng OVP ng P16 milyon sa confidential fund nito sa pagrenta ng 34 na safe house sa loob ng 11 araw.

Kabilang dito ang isang safe house na nirentahan ng P91,000 kada araw, na talo pa ang renta sa isang luxury hotel.

Ayon sa mga rekord, ang OVP ay nagbayad ng halagang mula P250,000 hanggang P1 milyon sa bawat safe house mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022. Ang mga inupahang ito, na nakadetalye sa liquidation report ng OVP sa COA, ay bahagi ng P125 milyong confidential fund ng OVP noong 2022.

Ang paggastos ay pinatunayan gamit ang mga acknowledgement receipts na walang lagda at hindi malinaw kung sino ang tumanggap ng bayad at kung anong klaseng safe house ang nirentahan.

Ipinunto pa ni Chua na ang mga aksyon ni Duterte ay maaaring ituring na pagtataksil sa tiwala ng publiko, partikular sa nakikitang maling paggamit ng pondo na ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.

“Ito pong ginagawa niya hindi pa ba betrayal of public trust? Pinagkatiwalaan ka ng pondo tapos di ka sumusunod, ‘di ba? Hindi mo ginamit ‘yung pondo para sa ayos,” giit pa ng mambabatas.

Gayunman, nilinaw niya na ang layunin ng komite ay hindi ang magsagawa ng impeachment kundi ang talakayin ang mga posibleng reporma sa batas.

“Well, hindi naman ito nag-emanate sa impeachment. Right from the very beginning siya (Duterte) lang naman nagbabanggit. Eh ako naman po ginagawa ko lamang ang trabaho ko dahil ito ay ni-refer sa aking committee,” paliwanag ni Chua.

Bagama’t hindi nagbigay si Chua ng tiyak na pahayag na ang impeachment ay hindi maiiwasan, inamin niyang ang mga natuklasan ay maaaring magsilbing batayan para sa ganitong hakbang.

“Kung ganito ang pagbabasehan natin, pwedeng may grounds. But siyempre ayaw po natin mag-conclude pa,” ayon pa sa kongresista, binanggit din nito na may pagkakataon pa si Duterte na pabulaanan ang mga akusasyon.