Calendar
Claire Gregorio, bagong Ms ROTC Visayas
BACOLOD CITY – UMANI ng matinding paghamon ang bagong isinali na Raiders Competition at Target Shooting dito Lunes ng umaga habang inangkin ng Philippine Air Force ang korona bilang bagong Miss ROTC Visayas 2024 sa kompetisyon na isinagawa sa University of St. La Salle-Bacolod.
Tinabunan ng 18-anyos na first year BS Criminology student sa University of Negros Oriental Recoletos (UNO-R) na si Claire Gregorio ang 20 iba pang kalahok sa sidelight na Miss ROTC upang agad na pagningasin ang pagnanais ng Philippine Air Force (PAF) na makapagtala ng kasaysayan na maging overall champion sa torneo ng mga kadete.
“Gusto ko po talagang maging piloto kaya po ako pumasok sa ROTC. We just want to show po na hindi lamang sa mga drills ang ROTC kundi pati din po sa paghubog at pagdedebelop ng kabuuang pagkatao ng isang tao,” sabi ni Gregorio, na nakuha ang korona mula sa unang nagwagi sa Philippine Army.
Iniuwi ni Gregorio ang magandang korona at dagdag na premyo na P25,000 cash habang pumangalawa si Jedy Lei Vagilida ng Philippine Army na may P15,000 at si Carla Mae Ongayo ng
Philippine Navy na may P10,000 premyo. Tumanggap naman ng P5,000 cash ang 18 iba pa na hindi nagwagi.
Samantala, kabuuang 10 koponan na binubuo ng 9 na kadete ang sumabak sa matinding hamon sa iba’t-ibang military type na obstacle na binubuo ng Central Philippines University, STI-WNU ROTC, WVSU-Lambunao, CSAV, NORSU, Tanon College, Fellowship Baptist College, CHMSU, at PHILSCA.
Ang Raiders competition ay binubuo ng limang event na may iba’t-ibang obstacle kung saan ang may pinakamataas na matitipon na puntos matapos makumpleto ang lahat ng course ang tatanghaling kampeon.
Nagsimula na din ang kompetisyon sa Target Shooting kung saan matinding ipinaliwanag muna nina retried BGen, Jonathan Martir, Tournament Director at Technical head Captain Marly Martir ng Philippine Navy ang pagsunod sa kaligtasan at kapakanan ng halos 100 kalahok bago itinakda ang mga paglalaban na distansiya.
Nakatakda naman paglabanan sa Athletics ngayong umaga ang mga gintong medalya sa Men at Women 1,500 meters at women’s long jump habang magsisimula na din ang eliminasyon sa iba pang kasaling sports.