Conversion ng isang kalsada sa romblon suporta sa build, build, build, policy ni PBBM

Mar Rodriguez Oct 27, 2022
217 Views

Conversion ng Sablayan-Agpanabat-Bagacay road sa Romblon suporta sa BBB ni PBBM

NANINIWALA ang isang kongresista na ang “conversion” sa Sablayan-Agpanabat-Bagacay road sa Romblon bilang isang national road ay nagsisilbing suporta sa agenda ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pamamagitan ng “Build, Build, Build policy” ng gobyerno.

Bukod dito, sinabi Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na ang conversion ng nasabing kalsada ang magbubukas ng maraming oportunidad sa kanilang lalawigan.

Ayon kay Madrona, malaki ang maitutulong ng isinulong nitong House Bill No. 1031 sa Kamara de Representantes para unti-unting makabangon ang kanilang lalawigan sapul ng pumutok ang COVID-19 pandemic.

Ipinaliwanag din ng mambabatas na ang pag-convert sa nabanggit na kalsada bilang isang national road ay isang suporta sa agenda ni Presidente Marcos kaugnay sa pagsusulong ng mga “infrastructure projects. Sa pamamagitan ng “Build, Build, Build policy” na ibinahagi naman nito sa kaniyang State of the Nation Address (SONA).

Aminado si Madrona na mula ng sumiklab ang pandemiya sa Pilipinas, ang pangunahing naapektuhan sa Romblon ay ang turismo nito. Kung saan, humina aniya ang pagpasok ng mga bumibisitang lokal at dayuhang turista dahil sa mga ipinatupad na restrictions at health protocols.

Gayunman, ikinagalak nito na sa kasalukuyan ay unti-unti ng nakakabangon ang kanilang lalawigan matapos ang halos dalawang taong health crisis sa bansa. Kung kaya’t naniniwala siya na malaki ang maitutulong ng HB No. 1031 para tuluyan ng umarangkada ang ekonomiya at negosyo sa Romblon.

Sa ilalim ng panukalang batas na inihain ni Madrona, layunin nito na mailipat o mai-convert bilang isang national ang Sablayan-Agnapat-Bagacay upang magkaroon ng mabilis na transportasyon ng iba’t-ibang produkto, magkaroon ng maayos na kalakalan at magsilbing daanan din ng mga turistang bibisita sa kanilang lalawigan.