creamline Creamline: pasok na sa semis. PVL photo

Creamline, Cignal tiyak na sa semis

Theodore Jurado Mar 29, 2022
257 Views

SA harap ng malaking crowd na sabik sa aksyon matapos ang mahigit na dalawang taon, kinuha ng Creamline at Cignal HD ang unang dalawang semifinals slots kahapon sa PVL Open Conference sa Filoil Flying V Centre.

Pinatalsik ng Cool Smashers sa trono anh Chery Tiggo, 25-18, 25-14, 23-25, 25-19, habang magaan na dinispatsa ng HD Spikers ang BaliPure, 25-14, 25-9, 25-14.

Sa pagbubukas ng liga ng pinto sa mga fans sa unang pagkakataon magmula noong November 2019, masarap sa pakiramdam para sa mga koponan na magpakitang gilas sa harap ng audience.

“We are so happy hearing them. Nagbigay sila sa amin ng energy. Napakasarap sa pakiramdam,” sabi ni Creamline skipper Alyssa Valdez.

“Nakakapanibago. I’m really happy na nag-eenjoy sila. Sila ang bumuhay sa amin sa fourth set,” aniya.

Nakahirit ng isa pang set ang Crossovers sa pangunguna ni Rachel Austero ngunit hindi tumiklop ang Cool Smashers sa krusyal na sandali upang makaresbak sa kanilang masakit na talo sa Open Conference Finals sa Ilocos Norte nitong nakaraang taon.

“Expected na hindi magiging ganoong kadali ang game,” said Creamline coach Sherwin Meneses. “Stay focus lang kami, back to basics. Maganda ang touch namin sa blocks. Alam namin ang Chery Tiggo na power spiking sila.”

Nanguna si Tots Carlos na may 17 points at 16 digs, nagdagdag si Jema Galanza ng 16 points at siyam na receptions, habang nagtala si Jeanette Panaga ng tatlong blocks upang tumapos ng 15 points para sa Cool Smashers, na 4-0 na sa season.

Sasagupain ng Creamline ang magwawagi ngayon sa alas-3 ng hapon na duelo sa pagitan ng twice-to-beat Choco Mucho at PLDT Home Fibr. Kailangan lamang manalo ng Flying Titans ng isang beses upang umabante sa semis.

Nagpasikat rin si Molina sa fans na may 12 points at limang receptions at kinailangan lamang ng twice-to-beat HD Spikers ng 75 minutes upang sibakin ang Water Defenders sa quarterfinals.

“Sobrang happy. Pagpasok pa lang namin dito sa San Juan (arena), actually nakakakilabot na ‘wow, ang sarap ng feeling’. And then ngayon naririnig na ulit namin ang sigawan, which is malaking factor for us kasi alam naman natin kung gaano nila kamahal ang volleyball, di ba? Parang kung gaano ding kamahal ang sports natin, ganoo ding kamahal iyon,” sabi ni coach Shaq Delos Santos.

“Kumbaga sobrang nakakatuwa kasi parang heto na, napi-feel natin na bumabalik na kahit paano. So I guess, good start ulit and hopefully talaga, magtuloy-tuloy na,” aniya.

Hindi lang determinado si Molina na dalhin ang Cignal HD aa Final Four, kundi ang masiyahan ang mga fans na naghintay ng volleyball action sa loob ng 28 buwan.

“On the player’s side, it’s good to be back na may audience talaga dahil sabi ni coach, nakaka-boost talaga ng morale na may sumisigaw para sa team mo,” sabi ni Molina.

“Very excited na pumunta kami dito and alam namin na very prepared kami para magpakita sa audience for the first time again,” dagdag ng dating San Beda star.

Nagdagdag si Roselyn Doria ng 11 points, kabilang ang dalawang service aces, habang nagbigay si Ria Meneses ng apat na siyam na puntos mula sa blocks para sa HD Spikers.

Haharapin ng Cignal HD, na nanalo ng limang sunod kabilang ang 4-0 sa pool play, ang alinman sa PetroGazz o F2 Logistics sa best-of-three semis.

Tangan ang twice-to-beat bonus, kailangan ng Angels na talunin ang Cargo Movers sa alas- 6 ng gabi upang umabante sa Final Four.

“Kung sino man ang makakaharap namin, I guess, magpre-prepare kami. Kasi iyon ang mindset namin. Kahit sino, mas ready yung team namin,” sabi ni Delos Santos.