Holdap

Customer tinutukan ng patalim, ninakawan ng bag sa Jollibee

Edd Reyes Jun 4, 2025
60 Views

TIMBOG ang holdaper na tumangay sa bag ng babaing customer ng isang sikat na food chain nang tugisin ng mga nagrespondeng pulis Miyerkules ng madaling araw sa Malabon City.

Nabawi ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan sa suspek na si alyas “Adriane” 33, walang hanapbuhay at residente ng Shell House, Brgy. 12, Caloocan City ang tinangay na bag sa biktimang beautician na si alyas “Michelle”, 31, pati na ang gamit na patalim, namatapos madakip sa follow-up operation dakong alas-8:20 ng umaga.

Sa report ni Col. Baybayan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, nasa loob ng Jollibee Fast Food sa C-4 Road, Brgy. Longos ang biktima at bumibili ng manok dakong alas-4:45 ng madaling araw nang tutukan ng patalim ng suspek at puwersahang tinangay ang bag na naglalaman ng P9,920, ID, at personal na gamit, bago tumakas sakay ng pampasaherong jeep.

Nakahingi naman ng tulong sa Malabon Police Sub-Station 5 ang babaing guwardiya ng Jollibee kaya’t kasama ang biktima nang magsagawa ng follow-up operation sa Caloocan City na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.