Rice

DA ibinunyag na strategy ng ilang rice retailers, traders

Cory Martinez Dec 26, 2024
13 Views

NILILITO ng ilang mga rice retailers at traders ang mga konsyumer sa mga binebentang imported na bigas upang bigyang katwiran ang pagtaas ng presyo nito.

Ito ang paniniwala ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. matapos ang sunod-sunod na pagbisita sa mga palengke.

Dahil sa bulok ng strategy ng ilang rice retailers, plano ng DA na alisin ang mga brand label ng mga imported na bigas na nagiging dahilan ng mga retailer at trader upang taasan ang presyo ng mga bigas.

Ayon kay Tiu Laurel, minamanipula ng ilang industry player ang sistema upang makapagtaas ng presyo at linlangin ang mga konsyumer.

Bukod sa pagtatanggal ng brand name, ipinag-utos din ng kalihim ang pagtanggal ng label tulad ng “premium” at “special” sa mga imported na bigas.

Samantala, hindi kasama sa naturang kautusan ang mga locally-produced na bigas upang maprotektahan ang mga magsasaka at trader.

“Importing rice is not a right but a privilege, If traders are unwilling to follow our regulations, we will withhold permits for rice importation,” diin ni Tiu Laurel.

Batay sa nakalap na datos mula sa mga retailer, trader at importer, ang pagtaas mula sa P6 hanggang P8 kada kilo mula sa landed cost ng imported na bigas sapat na upang mapanatili ang kita ng mga operasyon ng lahat ng partido na sangkot sa supply chain.

Halimbawa, kapag binili ang bigas mula sa Vietnam sa all-in cost na P40 kada kilo, hindi dapat lalampas sa P48 kada kilo ang ibebenta sa mga konsyumer.

Kinukunsidera din ni Tiu Laurel ang ilang inisyatibo upang maresolba ang pabago-bagong presyo ng bigas.

Kabilang sa mga inisyatibo ang pagsusulong ng food security emergency sa ilalim ng inamyendahang Rice Tariffication Law na maaaring maglabas ng buffer stock mula sa National Food Authority (NFA) upang mapatatag ang presyo.

Sinabi pa ng kalihim na pinag-aaralan din ang pagpapahintulot sa mga government corporation tulad ng Food Terminal Inc., na umangkat ng nararapat na dami ng bigas upang makipag-compete sa mga pribadong importer.

Inatasan din ni Tiu Laurel ang DA Legal Division na pag-aaralan kung maaaring I-activate ang mga probisyon ng Consumer Price Act na may kinalaman sa profiteering.

Sa kabila kasi ng pagbaba ng rice tariff sa 15 porsyento mula sa 35 porsiyento noong Hulyo, ang presyo ng ilang rice brand nananatiling mataas.

Pinanukala din ni Tiu Laurel na magsagawa ang Bureau of Internal Revenue ng pag-audit sa mga financial record ng mga rice trader upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa fair pricing practices.

Dapat tutulong naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pagmomonitor ng mga presyo ng bigas at ibang pang pangunahing bilihin sa mga palengke, ayon sa kalihim.